PatrolPH

ECQ sa 'NCR Plus' bubble palalawigin pa nang 1 linggo o higit pa: IATF

ABS-CBN News

Posted at Apr 03 2021 10:28 PM

ECQ sa 'NCR Plus' bubble palalawigin pa nang 1 linggo o higit pa: IATF 1
Karga-karga ng isang lalaki ang kaniyang krus para manalangin sa Sto. Niño de Tondo Church sa Maynila noong Abril 2, Huwebes Santo. George Calvelo, ABS-CBN News

MAYNILA - Mananatili nang isang linggo o higit pa sa enhanced community quarantine o pinakamahigpit na lockdown ang National Capital Region (NCR) plus Bubble mula Lunes, Abril 5. 

Inaprubahan na ito ni Pangulong Rodrigo Duterte, ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque. 

Nakatakda sanang matapos sa Abril 4 ang mahigpit na lockdown. 

Sabi ni Roque, maaari nang luwagan ang lockdown sa modified enhanced community quarantine oras na magigng epektibo ang ECQ. 

"Kung napatunayan po natin na gumagana ang ating PDITR (prevent, detect, isolate, treat, reintegrate), e pupuwede naman po tayong mag-MECQ sa susunod na linggo. Pero titingnan po muna natin ang resulta ng karagdagang ECQ," ani Roque. 

Kaakibat ng ECQ ang pagpaptupad ng curfew na nagsisimula ng alas-6 ng gabi, pagbabawal sa dine-in, at non-essential movement. 

Nakapagtala ang gobyerno ng 12,576 bagong kaso ng COVID-19 ngayong Mahal na Sabado, na pinakamataas mula noong magsimula ang pandemya noong 2020. 

Una nang inirekomenda ng grupong OCTA Research na palawigin nang isang linggo ang ECQ sa NCR Plus bubble sa harap ng pagdami ng mga kaso ng COVID-19.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.