PatrolPH

Batang ibinitin sa kawayan ng ina sa Tarlac, nasagip

ABS-CBN News

Posted at Apr 03 2021 08:08 PM

Batang ibinitin sa kawayan ng ina sa Tarlac, nasagip 1
Karga ng isang opisyal ng Barangay San Fernando sa bayan ng Victoria sa Tarlac ang batang ibinitin ng ina sa kawayan. Mayroon umanong psychological disorder ang ina, ayon sa kapatid nito. Larawan mula sa Victoria Municipal Police Station

Isang concerned citizen ang nagsumbong sa mga opisyal ng barangay na nakita niyang ibinibitin ng isang ginang ang isang bata sa puno ng kawayan malapit sa sementeryo sa Barangay San Fernando sa bayan ng Victoria, Tarlac nitong Huwebes Santo.

Agad namang rumesponde ang mga opisyal ng barangay sa sumbong. Pero hindi pa man sila nakakalapit sa ginang, walang kaabog-abog nitong inihagis ang batang edad 1 year at 3 months. Nabukulan sa noo ang bata pero kaagad naman nalapatan ng first aid ng barangay officials.

Pansamantalang ibinigay muna ang bata sa Municipal Social Welfare and Development Office.

Walang kibo naman ang ginang pero nakitaan ito ng mga pasa sa tiyan at may psychological symptoms umano.

Sa initial assessment naman ng ahensiya, posibleng nakararanas umano ng battered woman syndrome ang 28 anyos na ginang.

Kinontact na rin ang mga kaanak ng mag-ina. Sa panayam sa kapatid ng ginang, 2013 pa nang ma-diagnose ang kapatid niya na may psychological disorder at halos nasa 3 linggo na ngayon na hindi ito nakakainom ng kaniyang mga gamot.

Nasalisihan umano siya ng kapatid habang nasa labas at naglalako ng paninda sa barrio.

Ibinalik muna ang mag-ina sa kustodiya ng kapatid pero mahigpit nilang imo-monitor ito. Sasamahan din nila ang ginang sa pagpapa-check-up nito sa Tarlac Provincial Hospital at aabutan din ng tulong pinansyal para maituloy nito ang pag-inom sa kanyang mga gamot.

- Ulat ni Gracie Rutao

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.