PatrolPH

6 timbog sa magkahiwalay na drug bust sa Tagum City

ABS-CBN News

Posted at Apr 03 2021 09:59 AM

6 timbog sa magkahiwalay na drug bust sa Tagum City 1
Narekober ng awtoridad ang hinihinalang shabu at mga paraphernalia sa umano'y drug den sa Tagum City. Larawan mula sa Tagum City Police at PDEA-XI

TAGUM CITY - Anim ang arestado, kabilang ang umano’y lider ng mga holdaper, sa magkahiwalay na buy-bust operation sa lungsod nitong Biyernes.

Arestado ng Tagum City Police ang isang holdaper at snatcher na si alyas “Nyor” sa isinagawang buy-bust operation sa Barangay East, Biyernes ng madaling araw. 

Kilala umano si Nyor bilang lider ng criminal group na "Resbak ng Bagsakan" o RNB na sangkot sa pagnanakaw at panghoholdap sa lungsod.

Narekober mula sa kaniya ang hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P500 at dala nitong baril.

Mayroon din itong warrant of arrest sa kasong pagpatay.

Madaling araw din ng Biyernes nang salakayin ng pinagsanib na pwersa ng Philippine Drug Enforcement Agency Region XI, Davao del Norte Police Provincial Office, at Tagum City Police ang isang drug den sa Purok Talisay, Briz District, Barangay Magugpo East sa naturang lungsod.

Ayon sa awtoridad, nakatakas ang target ng kanilang operasyon pero lima ang arestado sa loob ng drug den.

Nasamsam ng awtoridad ang hinihinalang shabu na may timbang na 12 gramo at nagkakahalaga ng P180,000.

Nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga nahuling suspek.

KAUGNAY NA BALITA:

Watch more on iWantTFC

- Ulat ni Hernel Tocmo

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.