PatrolPH

Ilang health workers nakasalalay sa pag-improvise, donasyon dahil sa kulang na PPEs

ABS-CBN News

Posted at Apr 03 2020 07:48 PM | Updated as of Apr 03 2020 09:16 PM

Watch more on iWantTFC

Dahil sa kakulangan sa personal protective equipment, nakasalalay sa mga donasyon mula sa pribadong sektor at sa gobyerno, maging sa pag-improvise ng kagamitan ang mga health worker para maipagpatuloy ang kanilang laban kontra coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Kita sa ilang social media post na nakasuot ng improvised personal protective equipment ang ilang frontliner na naninilbihan sa mga pasyenteng positibo sa COVID-19.

Ang PPE ay binubuo ng head cover, googles o face shield, surgical mask o N95 respirator, protective gown o coverall, gloves, at shoe cover.

Gumamit ng kapote at trash bag sa paa ang ilang doktor sa Las Pinas General Hospital. Table cloth naman ang gamit ng isang doktor sa Department of Internal Medicine ng Western Visayas State University sa Iloilo.

Sa National Center for Mental Health, gwantes na panglaba ang ginawang foot cover ng mga doktor.

Motorcycle helmet naman ang gamit ng ilang nurse, at face shield na gawa sa galon ng mineral water.

Ayon sa nephrologist na si Dr. Brian Cabral, hindi medical grade ang mga improvised na PPE pero wala magawa minsan ang mga frontliner tulad nilang doktor na kumakalinga sa mga pasyente.

“Para sa isang doctor ilang PPE kaya ang kailangan n'yang daanan sa isang araw hindi malabong estima ng 3-4 na buong set yung iba d'yan na talagang nakasalang nang buong araw. madaming ospital na iniikot o madaming unit sa inaalagaan o mas madaming iba pa maaaring nasa 6-7 dahil hindi ka pwedeng lumabas nung isang lugar na isang bahagi ng ospital at nag-aalaga ng mga pasyenteng maaaring may COVID at maglakad-lakad ka sa hallways sa mga ospital or sakay mo sa sasakyan mo at gamitin mo yung PPE na yun para sa ibang ospital…

Nagsimula ng online petition si Cabral, na humihiling sa gobyerno na gumawa ng sariling PPEs na hindi umaasa sa pag-angkat mula sa ibang bansa. Aabot na sa 6,000 suporta ang may lagda nito.

“By supporting local manufacturers, textile manufacturers, plastic manufacturers, distributors and all the logistical supports. Sana itutok ng gobyerno at padaliin na sa kanila para gumawa na ng mga ganung bagay,” paliwanag niya.

“Lahat kami takot, kaya the very least na we can do is bigyan natin sila ng protection, pangalagaan natin sila, para siguraduhin to the best of our ability na nagawa ang lahat ng pwedeng gawin para protektahan sila.”

Para sa isang pulmonologist na nangangalaga ng mga pasyenteng may COVID-19 sa dalawang ospital sa Quezon City at Marikina, malaki ang pasasalamat niyang napoproteksyunan siya ng PPE.

“Araw-araw po akong nagra-rounds sa aking mga pasyenteng COVID-positive. Wala naman po akong nararamdaman. Ibig sabihin ‘non ang personal protective equipment is working,” aniya.

“Kung naka-proper PPE ka po talaga, mabisa talaga. Kaya yon ang aking ipinagdarasal na sana mag-donate ng maraming PPE, importante sa mga working inside the hospital, yung complete PPE,” dagdag niya.

BAYANIHAN

Dahil din sa kakulangan ng PPEs bumuhos ang tulong mula sa gobyerno at sa pribadong sektor.

Isa sa mga namahagi rito ang grupo ni Dr. Ayz Ligot na naghahatid sa mga kapwa doktor ng donasyon na PPE galing sa protectthefrontline.com

“’Yong mga kasama kong doctor naisip namin paano namin matutulungan yung kapwa namin doctor at kapwa namin frontliners ngayon na sumasabak sa COVID and one way na naisip namin to launch a campaign called to protect the frontline. importante kasi yung mga frontliners natin kumpleto sila sa gamit,” aniya.

Makikita rin sa nasabing website kung saan ang mga ospital na nangangailangan ng tulong— gamit man o pagkain. Maaari ring magbigay ng mensahe sa mga frontliner para magpalakas ng loob ng mga ito.

Aabot sa 15,000 PPEs ang naibigay ng Department of Health sa mga pampublikong ospital. Nakatakda rin silang magpamahagi ng 800,000 PPE sa mga ospital sa buong bansa.

Bukod sa mga doktor, buhos din ang donasyon mula sa mga fashion designer at iba pang cause groups.

Isa rito si Johann Ebarle, tanyag na fashion designer ng mga barong at suit. Kasama niya ang mga mananahi na gumagawa ng 80 set ng PPEs kada linggo.

"Dalawa po gamit namin na materyal Micro fiber, tafeta with silver lining, waterproof, approved ng DOH. Noong kakulangan naisipan po namin na gumawa para makatulong since we have all the means to PPE. Giving back luxury of time These medical practicioners are not just sacrificing their time but their life,” ani Ebarle.

Binuo naman ng ilang volunteers mula sa semi-conductor at electronics industry ang grupong “Team Twilight Men’s Only” na naghahatid ng PPEs sa may 40 ospital at ibang lokal na pamahalaan.

Kabilang sa mga inihatid nila ang higit 1,000 bunny suits, 4,000 gwantes, higit 1,000 box ng surgical masks at higit 1,000 N95 masks.

Tumulong din ang Down Syndrome Association of the Philippnes sa pangangailangan ng mga staff sa Research Institute of Tropical Medicine sa pamamahagi ng pagkain at paghahanap ng matutuluyan ng mga staff nito.

— Ulat nina Jeff Canoy at Maan Macapagal, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.