PatrolPH

Diskriminasyon sa mga health workers, PUIs, at PUMs, bawal sa Maynila

Dexter Ganibe, ABS-CBN News

Posted at Apr 03 2020 12:16 AM

MAYNILA - May katapat nang multa at parusa ang sinumang mangha-harass, mangungutya o gagawa ng anumang uri ng diskriminasyon sa mga nagpositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-1), patient under investigation (PUI), person under monitoring (PUM) o kaya ng mga health workers sa lungsod ng Maynila.

Aprubado ni Manila Mayor Francisco "Isko Moreno" Domagoso at epektibo na rin ngayong April 2, 2020 ang city ordinance number 8624 na nagbabawal sa anumang uri ng diskriminasyon, pangungutya o paglikha ng negatibong impresyon sa mga pasyente ng COVID-19 at mga health workers.

Maging ang isang public officer na hindi magbibigay ng tulong sa mga health worker o mga PUI o PUM na maka-uwi nang ligtas sa kanilang bahay ay pananagutin ng ordinansa.

Maging ang paninira o pagpapakalat ng impormasyong tungkol sa mga nagpositibo sa COVID-19 o kaya mga PUI gamit ang social media ay mapaparusahan ng ordinansa.

Multang P5,000 o pagkakakulong na hindi lagpas sa anim na buwan ang parusa o parehong multa at parusa ang ipapataw sa sinumang mapapatunayan sa korte na lumabag sa city ordinance.

Sa huling tala ngayong Huwebes, umakyat na sa 127 ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa Maynila.

Sa bilang na ito, nasa 19 ang namatay habang 10 naman ang gumaling.

Nasa 337 na rin ang mga PUI.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.