ALAMIN: 'Rapid pass' system para sa COVID-19 frontliners na dadaan sa mga checkpoint

ABS-CBN News

Posted at Apr 03 2020 01:33 PM | Updated as of Apr 03 2020 08:15 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Bumalangkas ng digital na sistema ang gobyerno para sa mga frontliner na gustong mapabilis ang pagdaan sa mga checkpoints ngayong may enhanced community quarantine.

Ito ang "rapid pass" na ibinunyag ng Inter-agency Task Force of the Emerging Infectious Diseases (IATF). Dito, gagamit ng QR code scanners para mas mabilis matukoy kung awtorisadong lumusot sa mga checkpoint ang mga sasakyan.

"Ito pong RapidPass System ay kinonceptualize po namin sa IATF para mapabilis ang systema ng pag check ng ating mga sasakyan at mabawasan ang person-to-person contact sa mga frontliners na gumagawa ng kritikal," ayon kay IATF spokesperson Karlo Nograles.

Ang konsepto ay bunsod ng mabagal na pag-usad ng mga sasakyan at frontliners na bumabiyahe papasok at papalabas ng checkpoints.

Dito, bibigyan ng kakaibang QR code ang mga awtorisadong indibidwal na isa-scan papasok at palabas ng mga checkpoints gamit ang smartphone.

Matapos ang scanning ng QR code, pupwede na padaanin ang indibidwal o kotse.

Para makakuha nito, kailangan mag-request sa RapidPass.ph na website na maaccess naman sa desktop computer o mobile device.

Kapag naaprubahan na ang request, bibigyan ng unique na QR code ang isang indibidwal na maaaring ipaskil sa sasakyan o ipakita gamit ang smartphone.

Kung walang smartphone o printer, maaari lamang ipakita ang valid ID at ang nakuhang control number sa mga nagmamando ng checkpoint.

Nilinaw naman ni Nograles hindi naman din ito required. Tatanggapin pa rin naman daw sa checkpoint ang mga ID at iba pang dokumento.

"The RapidPass will be available to everyone but it will not be required po. Pwede pa rin magpakita ng ID o documents para makadaan sa checkpoint. But this option will be available to those who want to pass through our checkpoints faster and want to reduce contact with others at checkpoints," aniya.

Pormal na ilulunsad ito hapon ng Biyernes.

Sa ilalim ng enhanced community quarantine, dapat manatili sa loob ng bahay maliban na lang sa ilang industriyang may kinalaman sa serbisyong medikal o pagbebenta ng mga pangunahing bilihin gaya ng pagkain o gamot.

— Ulat ni Joyce Balancio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.