'Adopt-a-tricycle driver': Mga pulis-Maynila namahagi ng relief packs sa mga tsuper

Bianca Dava, ABS-CBN News

Posted at Apr 03 2020 05:38 PM | Updated as of Apr 03 2020 09:27 PM

Sa ilalim ng programa, nagdesisyon ang mga pulis na i-donate ang kanilang rice allowance para ipambili ng famiy food packs para sa mga tricycle driver na naapektuhan ang kabuhayan sa Luzon lockdown. Bianca Dava, ABS-CBN News

MAYNILA - Ngayong may ipinatutupad na enhanced community quarantine sa Luzon, sinisita ng mga awtoridad ang mga tricycle driver na nagpapatuloy sa pagpasada sa kabila ng pagsuspinde ng public transportation. 

Kaakibat nito, naglunsad ng "Adopt a Tricycle Driver" program ang Jose Abad Santos Police Station sa Maynila para masuportahan ang mga tricycle drivers ngayong apektado ang kanilang kita sa enhanced community quarantine. 

"Nung nagkaroon ng ECQ, ang mga tricycle driver natin sumunod sila pero naobserbahan namin may mangilan-ngilan hindi nasunod dahil daw sa pang-araw-araw na pangangailangan. Kaya nag-initiate ang station commander ng Adopt A Tricycle Driver program,” said Police Lt. Solomon Santos, public information officer ng Manila Police District Station 7.

Nitong Biyernes, namahagi ng 5 kilong bigas, delata, noodles, at sabon ang mga tauhan ng police station sa aabot sa 150 na mga tricycle driver. 

Inilaan ng mga pulisya ang kanilang rice allowance para masuportahan ang mga tsuper na tinamaan ng lockdown. 

"Nag-start kami ng program. Once nagkaroon ng commitment sa kanila hanggang April 14, ang kanilang presidente sinurrender lahat ng tricycle driver ang kanilang mga susi para walang pumasada. Lahat naman sumunod," ayon kay Santos.

"Napakalaking tulong sa mga nag-stop ng biyahe. Ang mga natanggap naming biyaya ay napakalaking bagay po para sa amin, lalo na ang mga pamilyado na walang-wala ngayon. Buti may mga pulis na tumutulong at sumusuporta sa mga pangangailangan,” ayon kay Nelia Austria, pangulo ng Barrio Obrero Tricycle Operators and Drivers Association sa panayam sa ABS-CBN News.

Namigay din ng pera at mga relief goods ang ilang pribadong organisasyon, na ipinasa umano sa mga tsuper. 

"Napanood ko sila sa YouTube na kakaiba ang ginagawa ng mga pulis. Ito ay pagbibigay puso sa tao. Napanood kong nagbibigay sila sa mga tricycle driver para sila ay tumigil pasada para hindi hulihin, bibigyan nila ng pagkain," ayon kay Jennifer Matteo ng Christ Power and Grace Church.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.