4 patay sa pananaga, pamamaril sa South Cotabato

ABS-CBN News

Posted at Apr 03 2020 11:45 AM

Patay ang 4 na magkakamag-anak, kabilang ang suspek, matapos ang insidente ng pananaga at pamamaril sa bayan ng Tupi, South Cotabato noong gabi ng Martes.

Biglang pinasok ng suspek na si Dod Capion ang bahay ng kaniyang bayaw na si Londena Magon sa Barangay Miasong pasado alas-11 ng gabi, ayon sa imbestigasyon ng pulisya.

Pero nakatakas at nakahingi umano ng tulong sa mga taga-kalapit na sitio si Magon.

Naiwan sa bahay ang 9 na taong gulang na pamangkin ni Magon, na nasawi matapos umanong tagain ng suspek, at ang isang kinilalang si Jener Capion, na napatay sa pamamaril.

Dumating din ang ama ng 9 anyos na babae pero maging ito ay pinatay din ng suspek matapos barilin.

Nagsagawa ng hot pursuit operation ang mga pulis laban sa suspek pero nang matunton ito ay nakipagbarilan sa mga awtoridad, na ikinasawi nito.

Base sa paunang imbestigasyon, wala sa katinuan ang suspek, ayon kay Police Major Virlen Pampolina, hepe ng Tupi Police Station.

Nakulong umano noong 2015 ang suspek dahil sa frustrated murder at nakalaya noong nakaraang taon. Nag-iba raw ang kilos nito mula nang iwanan siya ng asawa.

Patuloy namang inoobserbahan ang lagay ni Magon sa pagamutan.

-- Ulat ni Francis Canlas, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.