PatrolPH

21 residente ng Sitio San Roque na nagtipon sa EDSA para manghingi ng ayuda, kinasuhan

ABS-CBN News

Posted at Apr 03 2020 07:52 PM | Updated as of Apr 03 2020 09:18 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA - Kinasuhan na ng pulisya ang 21 residente ng Sitio San Roque sa Quezon City na nagtipon-tipon sa EDSA para manghingi ng ayuda, matapos mauwi sa pag-aresto ang insidente sa umano'y paglabag sa quarantine protocols.

Ayon sa kasong inihain ng ilang pulisya sa Quezon City Hall of Justice, haharap sa kasong illegal assembly, disobedience to persons in authority maging sa paglabag sa Bayanihan to Heal As One Act, at paglabag sa Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act ang mga naaresto. 

Matatandaang nagkagulo sa Sitio San Roque sa Barangay Bagong Pag-asa kamakailan matapos umanong udyukan ng Kadamay ang ilang pamilya sa lugar na lumabas sa mga kalye upang humingi ng ayuda kahit na mahigpit na ipinagbabawal ng pamahalaan ang paglabas dahil sa enhanced community quarantine. 

Bagay ito na inalmahan ng ilang grupo sa anila'y walang basehang pag-aresto sa mga suspek. 

Naghain ng writ of habeas corpus sa Quezon City Hall of Justice nitong hapon ng Biyernes ang Samahan ng Magkakapitbahayang North Triangle Association at National Union of People's Lawyers, kung saan kinokondena nila ang ilegal at walang basehan umanong pag-aresto sa mga residente. 

Itinanggi rin ng grupong Kadamay na sila ang nasa likod ng pagtitipon. Ayon sa grupo, ang kumakalam na sikmura ng mga tao ang nag-udyok para manawagan sila ng tulong sa EDSA. 

Nanawagan din sila kay Pangulong Rodrigo Duterte na gamitin ang emergency powers para maging mabilis ang pagbibigay ng ayuda sa mga lubos na naapektuhan sa quarantine. 

"Hindi na ho kailangan ibuyo ang nga tao sa ganitong sitwasyon. Ito ang nararamdaman nila. Hindi na ho kailangang buyuin dahil kailangan nilang lumabas dahil hindi sila pinapansin," ayon kay Bea Arellano, chairperson ng grupong Kadamay. 

Nagbabala si Mayor Joy Belmonte sa mga kapitan ng barangay at city officials na paparusahan ang mga sasablay sa pamamahagi ng food packs. 

"Quezon City Mayor Joy Belmonte sternly warned that punishment awaits barangay captains and other city officials who will fail to distribute food packs to residents affected by the enhanced community quarantine (ECQ)," ani Belmonte sa pahayag. 

Giit din ni Belmonte na dapat isantabi ng mga opisyal ang ano mang sigalot at wala rin aniyang puwang ang favoritism at pulitika ngayong may krisis sa COVID-19. 

-- Ulat ni Zhander Cayabyab, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.