Presyo ng bigas sa ilang pamilihan natapyasan ng hanggang P5

ABS-CBN News

Posted at Apr 03 2019 08:55 PM | Updated as of Apr 03 2019 10:41 PM

Watch more in iWantTFC

Taas-presyo nagbabadya dahil sa El Niño, ayon sa isang grupo

Natapyasan ng hanggang P5 ang presyo ng kada kilo bigas sa ilang pamilihan sa Metro Manila. 

Sa Mega Q-Mart sa Quezon City, nasa P35 na ang kada kilo ng lokal na regular milled rice mula P38, habang P40 hanggang P44 naman ang lokal na well milled rice mula P42 hanggang P46.

Naglalaro naman sa P46 hanggang P47 ang kada kilo ng lokal na premium grade rice mula P47 hanggang P48, habang P47 na lang ang imported na premium grade rice mula P48.

Nasa P47 hanggang P60 na lang ang special rice mula P50 hanggang P65.

Sa Kamuning Market sa Quezon City, P46 na lang ang lokal na premium grade rice mula P49.

Nasa P50 hanggang P56 naman ang lokal na special rice mula P52 hanggang P57, at P48 mula P50 ang imported na special rice.

Naglalaro sa P42 hanggang P44 ang imported na well milled rice mula P44 hanggang P46.

Nakapako naman sa P27 ang NFA rice sa parehong pamilihan.

Wala namang paggalaw sa presyo ng NFA rice na nasa P27 sa parehong nabanggit na pamilihan.

Ayon sa ilang tindero ng bigas, ang mababang presyo ay bunga ng mas malayang pag-angkat ng bigas na sinabayan ng anihan ng mga magsasaka.

"Sumabay po sa anihan at saka marami po tayong imported," anang tindero ng bigas na si Ramon Saner.

Pero ipinaliwanag ni Grains Retailers Confederation of the Philippines (GRECON) president James Magbanua sa programang SRO nitong Miyerkoles ng gabi na ito ay dahil sa anihan lamang at hindi pa epekto ng mas malayang pag-angkat ng bigas o rice tariffication law.

Dahil sa anihan at pagpasok ng inangkat na bigas, sa Luzon lang nagmura ang presyo ng commercial rice habang wala namang paggalaw sa presyo ng bigas sa Visayas at Mindanao, ani Magbanua.

"May bumaba talaga sa ngayon kasi alam mo, harvest diyan sa Luzon," sabi ni Magbanua sa radyo DZMM.

TAAS-PRESYO SA BIGAS NAGBABADYA DAHIL SA EL NIÑO

Ayon kay Cris Panerio, national coordinator ng Magsasaka at Siyentipiko para sa Pag-unlad ng Agrikultura (Masipag), maaaring tumaas ang presyo ng bigas dahil sa epekto sa agrikultura ng El Niño phenomenon.

"'Yong mga magsasaka sisikapin nilang isalba ang kanilang mga ani. Ibig sabihin niyan gagastos sila nang malaki sa gasolina," ani Panerio.

Sa pinakahuling tala ng Department of Agriculture, umakyat na sa P5.05 bilyon ang halaga ng pinsala ng El Niño sa industriya, partikular sa palay at mais.

"We don't expect that the will have adverse impact on our national production," ani Piñol.

Hindi umano puwedeng magmahal ang bigas dahil steady ang suplay at marami ang inangkat na bigas.

--Ulat ni Vivienne Gulla, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.