PatrolPH

PAO: Biktima sa Cebu teen slay 'ginahasa, binuhusan ng asido'

ABS-CBN News

Posted at Apr 03 2019 04:41 PM

Watch more on iWantTFC

May mga palatandaan sa katawan ng 16 anyos na si Christine Lee Silawan na ito ay ginahasa, at binuhusan ng asido ang kaniyang mukha sa Lapu-Lapu City sa Cebu, ayon sa pagsusuri ng Public Attorney's Office. 

Taliwas ito sa unang pahayag ng Philippine National Police na walang indikasyon na ginahasa ang biktima. 

Magugunitang nang matagpuan ang katawan ni Silawan, nabalatan ang mukha nito hanggang lumitaw ang bungo, at kinuha rin ang ilang lamanloob. 

Batay sa awtopsiya ng PAO forensic team, lumalabas din na pinigil pa ang mga kamay at paa ng dalagita habang isinasagawa ang krimen. Sinakal din umano ito. 

Posible ring tatlo ang suspek sa pagpatay, ayon kay Dr. Erwin Erfe, Director ng PAO Forensic Team. 

"Mahirap pong gawin ito ng isang tao lang. Mayroon kaming ebidensiya na mukhang ni-restrain ang kanyang kamay at saka kanyang mga paa," dagdag ni Erfe. 

Tingin ni PAO chief Persida Acosta na magagamit nila ang resulta ng awtopsiya sa pagpapalakas ng kaso. 

Pangako ni Acosta sa pamilya ni Silawan na mabibigyan ng hustisya ang karumaldumal na sinapit ng dalagita sa lalong madaling panahon.

Una nang sinabi ng PAO na hindi sila kumbinsido sa naging resulta ng imbestigasyon sa kaso ni Silawan. 

-- Ulat ni Aiza Layague, ABS-CBN News 
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.