Pamilya ng 'Negros 14' nanawagan ng hustisya

ABS-CBN News

Posted at Apr 03 2019 01:01 PM | Updated as of Apr 03 2019 08:25 PM

Hindi pa tanggap ni Rosalie Recomono ang sinapit ng kaniyang ama at kaniyang kapatid na sina Rogelio at Ricky. 

Tuwing buwan ng Agosto nagtitipon-tipon ang pamilyang Recomono para mag-reunion. 

Ngunit ngayong 2019 ay malabo nang mangyari ito dahil sa pagkamatay ng mag-amang Rogelio at Ricky.

Kasama kasi sina Rogelio at Ricky sa 14 na namatay sa umano'y police operation sa Negros Oriental noong Biyernes. 

Sabi ni Rosalie, bihira lang siyang umuwi sa Negros Oriental dahil kapos sa pamasahe pero hindi niya inasahang lamay ang uuwian niya ngayong Abril. 

Nanindigan si Rosalie na hindi rebelde ang kaniyang ama at kapatid. Giit niya, walang pambili ng baril ang mga ito. 

Gusto naman ngayon ni Lorna Dela Cerna, isa sa mga namatayan, na makamit nila ang hustisya.

Namatay din sa police ops ang mga kaanak ni Dela Cerna na sina Melchor at Mario Panyares.

HINALUGHOG?

Hindi naman nakapag-asawa ang dating kawani ng Department of Agrarian Reform na si Genes Palmares, na maagang nagretiro para alagaan ang kaniyang may-edad na magulang.

Isa rin si Palmares sa namatay sa police operations, bagay na ikinagulat ng kaniyang mga kaanak lalo na't wala raw itong baril.

Pero lalong nagalit ang pamilya nang malaman nawala umano ang P150,000 na pera pambili sa gamot ng ina ni Palmares sa stroke at pangsuweldo sa mga sakada.

Ayon sa kapatid ni Palmares na si Emily, nanghalughog umano ang mga pulis sa bahay nila at nakita ang bag ng kaniyang nanay at nawala na ang laman nitong pera.

Tumangging magbigay ng pahayag ang Canlaon police ukol dito.

Samantala, pinaiimbestigahan na rin ng Philippine National Police ang mga akusasyong naka-face mask ang mga pulis na nagkasa ng operasyon.

Pinaiimbestigahan na rin ng Makabayan bloc ang nangyaring pagpatay.

"Crime against humanity 'yung nangyaring massacre sa Negros. Malinaw na targeted killing mga miyembro at lider ng peasant organization," ani Alliance of Concerned Teachers Rep. Antonio Tinio.

-- Ulat nina Martian Muyco at Nico Delfin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.