Mag-iina pinatay sa loob ng bahay sa Bulacan

Jervis Manahan, ABS-CBN News

Posted at Apr 03 2019 10:57 PM | Updated as of Apr 04 2019 07:19 PM

MAYNILA (2nd UPDATE) - Natagpuang patay ang isang ina at kaniyang 2 anak sa loob ng kanilang bahay sa Barangay Kaypian, San Jose del Monte City, Bulacan Miyerkoles ng gabi.

Nagtamo ng saksak sa iba't ibang bahagi ng katawan si Jaymee Casabuena, 28 anyos, at kaniyang mga anak na may edad 5 at 8. Pinatay rin ang kanilang alagang aso.

Ayon kay Police Lt. Col. Orlando Castil Jr., hepe ng San Jose del Monte City police, naaresto sa follow-up operation ang isang itinuturing na suspek at kasalukuyang iniimbestigahan.

Kuwento ng isang kapitbahay, nakita niya si Casabuena na may kasamang lalaki na gumagawa sa bubong nito alas-6 Martes ng gabi.

Makalipas ang ilang oras, may namataan siyang 2 lalaki na pumasok sa bahay, pero wala siyang narinig na ingay na may naganap na krimen.

Watch more in iWant or TFC.tv

Tumawag ang mga kaanak ng mga biktima Miyerkoles ng umaga, pero hindi na ito sumasagot.

Pinuntahan sila alas-8:30 Miyerkoles ng gabi para sunduin dahil dadating ang ina ni Casabuena mula Abu Dhabi.

Pero laking gulat ng pamilya nang makita na duguan ang mag-iina sa loob ng bahay.

Natagpuan sa sala si Casabuena. Ang isang bata ay nakadapa sa kama, habang ang isa ay nasa kusina. 

Narekober sa crime scene ang isang kutsilyo na posibleng ginamit sa krimen.

Ayon sa ama ni Casabuena na si Jaime, wala silang alam na kaaway ng biktima kaya blangko sila sa motibo sa krimen.

Kuwento naman ng kapatid ni Casabuena na si Harley,
natagpuan niya na bukas ang mga drawer sa bahay pero hindi masabi kung may mga nawawalang gamit.

Bagong lipat lang ang mga biktima sa lugar kaya hindi pa masyadong kilala ng mga kapitbahay.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.