Gurong namili ng toga at cap para sa mga estudyante, hinangaan

Jay Dayupay, ABS-CBN News

Posted at Apr 03 2019 12:37 PM | Updated as of Apr 03 2019 03:11 PM

Ginamit ni teacher Virgita Diaz ng Kiblat Elementary School sa Malungon, Sarangani Province ang sarili niyang pera para ipambili ng toga at cap sa mga estudyante sa kanilang moving up ceremonies. Larawan mula kay Cris Cordero

Umani ng papuri ang isang elementary teacher sa Malungon, Sarangani Province matapos mamakyaw ng toga at cap para lang may magamit ang kaniyang mga estudyante sa moving up ceremonies.

Hinangaan ng netizens si teacher Virgita Diaz ng Kiblat Elementary School na sariling pera ang ginamit bilang pambayad sa toga at cap na nagkakahalaga ng P7,667.

Ayon kay Diaz, ang mga magulang ang nagdesisyong toga ang ipasuot sa kanilang mga estudyante, pero hindi lahat kayang magrenta ng toga.

"Pinagbotohan namin nanalo ‘yong toga, pero pagkatapos ng meeting may mga magulang na nagsabing ‘Ma’am, gusto talaga namin ng toga pero hindi kami maka-afford’," kuwento niya.

Higit P6,000 lang umano ang net pay ni Diaz pero para masaya ang mga estudyante niya, nagdesisyon siyang lumuwas ng General Santos at mamili ng toga at cap.

"Binilang ko talaga, 18 yong walang toga, 21 yong walang kalo. Bahala [na] wala akong pera ang importante mapasuot ko ng toga ang aking mga pupil para masaya naman sila," sabi niya.

Martes nang ipasuot ng guro sa kaniyang Grade 6 na mag-aaral ang nabiling toga at cap para sa moving up ceremonies.

"Nagpapasalamat po ako sa kaniya kasi binigyan niya ako ng toga," sabi ni Christian Dianon, isa sa mga estudyanteng nakapagsuot ng toga at cap.

Laking pasalamat din si Shiena Marie Adana at makapagsusuot siya ng toga sa moving up ceremonies.

"Thank you kasi mabait siya at mahal niya kami," sabi niya.

Para kay Diaz, guro ang propesyong pinasok niya kaya mamahalin niya ang kaniyang mga estudyante.

“Minsan lang kasi ito sa buhay nila at kung isa ka talagang guro para nang pangalawa mong anak mga estudyante mo," sabi niya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.