PatrolPH

Driver ng airport taxi, ibinalik ang P156,000 na naiwan ng pasaherong OFW

ABS-CBN News

Posted at Apr 03 2018 08:53 PM

MANILA - Lubos ang pasasalamat ng isang bagong uwing overseas Filipino worker sa isang taxi driver matapos nitong isauli ang $3,000 o tinatayang P156,250 na naiwan niya sa loob ng pampasaherong sasakyan, Martes.

Ayon kay Virgilion Legaspi, umuwi siya galing Dammam, Saudi Arabia dala ang inipong pera at sumakay sa isang airport taxi papunta sa isang istasyon ng bus sa Maynila.

 

Nang mapansin na nawawala na ang kaniyang pera, bumiyahe siya pabalik sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 1 upang hanapin ito. 

Mabuti na lamang at naisipan ng driver na si Gilbert Punzalan na ibalik ang naiwang pera sa mga awtoridad sa airport kung sakaling balikan ito ng may-ari.

“Ako po ay nagpapasalamat kay Bro. Honest siya talaga kaya bilib po ako talaga sa kaniya," ani Legaspi.

Ayon kay Punzalan, itatapon na sana niya ang puting envelope na nakita niya sa gilid ng hand break ng kaniyang taxi nang mapansin niya na may laman itong 30 piraso na $100.

Aniya, hindi siya nagdalawang isip na isauli ang naiwang pera ng pasahero.

“Alam ko pong pinaghirapan ni sir 'yang perang 'yan. Mahirap pong gastusin ang perang hindi mo pinaghirapan," ani Punzalan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.