PatrolPH

SBMA chairman nagbitiw sa puwesto

ABS-CBN News

Posted at Apr 02 2023 04:12 PM | Updated as of Apr 02 2023 09:13 PM

Nagbitiw sa puwesto noong Marso 31, 2023 si Subic Bay Metropolitan Authority Chairman and Administrator Rolen Paulino. Retrato mula sa SBMA
Nagbitiw sa puwesto noong Marso 31, 2023 si Subic Bay Metropolitan Authority Chairman and Administrator Rolen Paulino. Retrato mula sa SBMA

MAYNILA -- Nagbitiw sa puwesto si Rolen Paulino, ang chairman at administrator ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) sa harap ng mga empleyado sa lowering of flag noong Biyernes.

Nagsumite si Paulino ng kaniyang courtesy resignation epektibo sa Abril 15, 2023 kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ilang araw matapos ang inilatag na State of the Freeport Address (SOFA) kung saan pinasalamatan niyang lahat ang mga dumalo.

Sa SOFA, una niyang pinasalamatan ang mga empleyado at mga opisyal ng SBMA, mga stakeholder, mga local government unit officials ng mga lugar na nakasasakop sa Subic Bay Freeport tulad ng Zambales, Olongapo City at Bataan.

Iniisa-isa nito ang lahat ng kaniyang mga accomplishment sa loob ng maikling panahon, kung saan ang kanyang termino aniya ay natapat sa panahon ng pandemya pero nagawa aniya nang maayos at epektibo ang kanyang tungkulin.

Ayon kay Paulino, ang kaniyang termino ay 6 na taon base sa kaniyang appointment mula sa dating Pangulong Rodrigo Duterte, pero naghain siya ng courtesy resignation upang mabigyang-laya si Marcos na pumili ng bagong SBMA chairman and administrator.

Hindi rin nito kinumpirma at itinanggi ang balita hinggil sa bagong alok na posisyon para sa kaniya.

Sa isang pahayag, kinumpirma ni SBMA Deputy Administrator for Corporate Communications Armie Llamas na nagbitiw sa puwesto at nagsumite ng resignation si Paulino noong Biyernes.

—Ulat ni Rod Izon

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.