Daan-daang residente ng Puerto Galera ang sabay-sabay naligo noong Sabado sa White Beach para ipakitang hindi apektado ng oil spill ang kanilang lugar.
Nangangamba kasi ang mga residente na maapektuhan ang turismo sa kanilang lugar dahil sa maling balita kaugnay sa oil spill.
"Bumalik na kayo dito sa White Beach kasi wala naman oil spill," sabi ng residenteng si Bodic Magbojos.
"Nananatili kaming oil-slick free," sabi naman ni Justine Mingo.
Noong Sabado, pumalo sa higit 3,000 ang bilang ng mga turista sa Puerto Galera.
Ayon sa Puerto Galera Tourism Council, sa darating na Holy Week at summer season ay inaasahan nilang makakabawi ang kanilang tourism industry kaya magiging malaking dagok kung patuloy na kakalat ang maling impormasyong may langis sa kanilang dagat.
"'Yang mga boatman ay nangutang para laang sila ay magkaroon ng permit dahil umaasa sila na pagdating ng Holy Week ay kikita sila, kaya napakaimportante sa amin na ipahayag sa buong mundo na safe po dito," sabi ni Noe Lineses, pangulo ng council.
Nagbabala rin si Puerto Galera Vice Mayor Marlon Lopez sa mga nagpapakalat ng maling balita.
"Mag-ingat tayo sa mga fake news na inilalabas sa social media kasi mananagot po kayo," anang lokal na opisyal.
Tinatayang 10,000 turista ang dadating sa Puerto Galera ngayong Semana Santa.
Iba-ibang programa ang nakahanda sa Puerto Galera sa Holy Week, kabilang ang concert ni Gigi de Lana.
—Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.