Patay ang 3 tao habang 6 ang nasugatan matapos mahulog sa bangin ang sinaskayan nilang jeep sa Macalelon, Quezon province noong Sabado, ayon sa mga awtoridad.
Ayon sa ulat ng Macalelon Police, kabilang sa mga nasawi sa aksidenteng nangyari sa Barangay San Nicolas ang pahinante ng jeep at 2 menor de edad na magpinsan.
Isa sa mga nasawing menor de edad ay anak umano ng may-ari ng jeep, na siyang nagmamaneho nang mangyari ang aksidente. Kabilang ang may-ari sa 6 na sugatan.
Ayon sa imbestigasyon, tinatahak ng jeep ang palusong na bahagi ng kalsada nang mawalan ng preno bandang alas-3 ng hapon.
Sa bigat ng kargang niyog at sako-sakong kopra, bumulusok umano ang jeep pababa hanggang sa mahulog sa bangin sa gilid ng kalsada.
Agad sumaklolo ang mga tauhan ng Philippine Army na nakabase sa lugar, mga pulis at tauhan ng municipal disaster office.
Patuloy na nagpapagaling sa ospital sa Gumaca, Quezon ang mga nasugatan.
— Ulat ni Ronilo Dagos
FROM THE ARCHIVES
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.