TINGNAN: Kampanya kontra terorismo idinaan sa murals sa Camarines Sur

ABS-CBN News

Posted at Apr 02 2021 07:38 AM

Kuha ni Jonathan Magistrado

NAGA CITY—Napakatingkad ngayong tag-init ng kulay ng Camarines Sur Police Provincial Office dahil sa ipinintang murals sa labas umpisa noong Lunes Santo.

Pero kung titingnan sa malapitan, malalim ang hugot ng bawat mural na iginuhit ng 19 na grupo na mula sa ilang pamantasan, government office at local government units sa lalawigan.

Tema ng mural painting competition na inorganisa ng Camarines Sur 1st Police Mobile Force Company, ang maipaliwanag sa kabataan ang kampanya ng gobyerno laban sa terorismo sa pamamagitan ng sining.

Ang wall painting ng Goa Municipal Station ang first place habang wagi sa third place ang mural ng mag-amang artist na isinali sa art contest ng Libmanan police.

Isa sa gumuhit sa obra ng Milaor police na nanalong second place ay si Police Maj. Ma. Victoria Abalaing, ang hepe ng himpilan.

Kuha ni Jonathan Magistrado

May ilang pader sa loob ng kampo na wala pang guhit ang maaari pa umanong pintahan ng mga kabataang nais magpahayag ng suporta sa programa kontra insurhensiya ng pamahalaan.

Kasabay ng mga aktibidad na tulad nito, patuloy umanong mas pinaiigting ng Camarines Sur police ang seguridad ng kanilang mga tropang naka-deploy sa mga high-risk area.

Ito ay para maiwasang maulit ang nangyaring pagsalakay ng New People’s Army sa Barangay Dumagmang sa bayan ng Labo na ikinasawi ng 5 kasapi ng Camarines Norte 2nd Police Mobile Force Company noong nakaraang buwan. – Ulat ni Jonathan Magistrado

Watch more in iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.