PatrolPH

Service crew na naghahanap ng trabaho nabiktima ng ‘sextortion’; suspek tiklo

ABS-CBN News

Posted at Apr 02 2021 03:50 PM

MEXICO CITY, Pampanga—Hindi na nakapalag pa ang isang 24-anyos na gasoline boy sa lungsod na ito matapos siyang arestuhin ng pulisya dahil sa umano'y pangingikil.

Kinilala ang suspek na si Christian Timbang na hinuli ng mga operatiba ng Regional Anti-Cybercrime Unit (RACU) ng Police Regional Office 3 noong Martes.

Sa imbestigasyon, natuklasang gumamit umano ng 3 magkakaibang Facebook account ang suspek para alukin ng mapagkakakitaan ang 23-anyos nitong biktima na service crew sa isang fastfood restaurant.

"Nag-alok po ang suspek ng malaking suweldo sa ating victim, na nagkakahalaga ng P60,000 to P70,000 kapalit ng kanyang mga hubad na larawan. Nagtiwala naman ang victim sa suspek, dahil nangako po ang suspek na ito ay magiging sikreto at walang makakaalam," ani Police Maj. Evangeline Geminiano ng RACU.

Pero hindi tinupad ng suspek ang ipinangakong pera sa biktima. 

Sa halip ay tinakot pa niya ito na ikakalat ang mga hubo’t hubad na larawan kung hindi ito makikipagtalik sa kaniya. 

Sa itinalagang araw ng pagkikita ng dalawa, pumayag ang suspek na imbes na pakikipagtalik ay pera na lamang ang iaabot sa kanya ng biktima.

Dito na nakorner ng mga operatiba ang suspek.

Kasong Robbery Extortion Relation to Cybercrime Prevention Act of 2012 ang isinampa laban kay Timbang.

Paalala naman ng mga awtoridad na huwag agad magtitiwala sa mga nakakausap sa social media. — Ulat ni Trisha Mostoles

RELATED VIDEO

Watch more on iWantTFC
Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.