Ilang deboto ng Itim na Nazareno, namanata ngayong Biyernes Santo sa kabila ng ECQ

Lady Vicencio, ABS-CBN News

Posted at Apr 02 2021 08:17 AM

MAYNILA—May mga barikada pa rin ang paligid ng Minor Basilica of the Black Nazarene lalo’t suspendido ang mga aktibidad ng mga simbahan ngayon Semana Santa dahil sa ipinatutupad na enhanced community quarantine.

Pero ilang deboto ang hindi pa rin nagpatinag ang pananampalataya at pumunta pa rin sa Quiapo kahit hanggang sa Quezon Boulevard lang sila nakapagdarasal.

Mula Quezon City pa si Jasmine Carlit na namanata ngayong Biyernes Santo sa unang pagkakataon.

Higit 2 oras siya naglakad nang nakayapak mula sa kanilang bahay hanggang sa Quiapo para ipanalangin na matapos na ang COVID-19 pandemic.

May ilang deboto rin ng Itim na Nazareno ang pumunta sa simbahan lalo’t nakagawian na nilang sumama sa prusisyon tuwing Biyernes Santo na liturgical commemoration ng Itim na Nazareno. Pero sinita agad sila ng mga pulis-Maynila kaya hindi rin sila nagtagal sa simbahan.

Ayon sa deboto na si Ronaldo Cortez, itutuloy na lang nila sa bahay ang pagdarasal at online na lang makikinig ng misa.

Watch more in iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.