PatrolPH

Halos P750,000 halaga ng shabu nasamsam sa 5 drug suspect sa Maynila

ABS-CBN News

Posted at Apr 02 2021 02:39 PM

MAYNILA — Kulong ang 5 drug suspect matapos ang ikinasang buy-bust operation ng Manila Police District (MPD) Station 3 sa Sta. Cruz, Maynila.

Nagpositibo ang operasyon nang magbenta ang target ng P500,000 halaga ng hinihinalang shabu sa nagpanggap na buyer.

Kasama niya ang isang babae at 3 pang lalaki nang mangyari ang transaksyon sa Firmeza Street. 

Pare-pareho silang kinapkapan ng mga pulis at nakuhanan ng 10 pakete ng hinihinalang shabu na abot sa P748,000 ang halaga.

Dalawa sa mga suspek ay miyembro ng Bahala Na Gang, ayon sa pulisya.

Taga-Quezon City naman ang isa sa mga hinuli kaya sinabi ng pulisya na posibleng dinadayo ng mga parokyano ang target na si alyas Michael.

Paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act ang kasong haharapin ng 5 arestado. — Ulat ni Lady Vicencio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.