Basilio Sepe. ABS-CBN News
MAYNILA- May tamang paraan ng pagtatapon at paglilinis ng face masks, at iba pang infectious wastes gaya ng personal protective equipment (PPE) para makaiwas sa pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) ayon sa ilang eksperto.
Ayon kay Dr. Susan Mercado, isang public health expert, dapat 4 oras lang isuot ang mga disposable na face mask. Pagkatapos, tupiin agad ito at ilagay sa garbage bag.
Hangga’t maaari aniya, limitahan dapat ang paghawak sa face mask para mapigilan ang pagpasok ng mikrobyo.
Ngayong nagkakaubusan na ng face masks, maaari naman daw gumamit ng cloth o washable mask, pero kaakibat ito ng maayos na pag-sterilize.
Kung manggagaling naman sa labas, dapat ilagay ang mga isinuot na damit sa isang hiwalay na lalagyan, payo ni East Avenue Medical Center spokesperson Dr. Dennis Ordona.
Kung maaari, dapat sundan ang physical distancing hanggang sa loob ng bahay.
Para naman kay dating Health secretary Esperanza Cabral, kung magtatapon ng infectious waste, ilagay dapat ito sa autoclave - isang makina na may mataas na temperatura, o i-sprayan ng disinfectant bago ibigay sa city garbage collection.
Para kay Cabral, dapat na ring ituring na infectious waste ang mga PPE.
Hindi kasi nakakatiyak sa ano-anong mga paraan pa ito nakahahawa dahil bago pa ang sakit na COVID-19.
"Mayroong time period na infectious pa rin lahat iyon. Hindi tayo nakakasigurado na hindi pa siya infectious, until iimbak siya natin ng dalawang linggo," ani Cabral, na board chairperson ngayon ng grupong Healthcare Without Harm. -- Ulat ni Apples Jalandoni, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog News, face masks, health, kalusugan, Apples Jalandoni, tips, garbage, basura, infectious wastes, tips, Esperanza Cabral, Dennis Ordona,