Pahayag na 'shoot them dead' ni Duterte sa gitna ng COVID-19 crisis binatikos

ABS-CBN News

Posted at Apr 02 2020 04:58 PM | Updated as of Apr 02 2020 07:22 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA (UPDATE) — Binatikos ng sari-saring grupo ang banta ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Miyerkoles ng gabi na barilin hanggang mamatay ang mga manggugulo sa gitna ng krisis sa COVID-19.

Tinutukoy nila ang pahayag ni Duterte sa kaniyang sorpresang public address:

"My orders are sa pulis pati military, pati mga barangay na pagka ginulo at nagkaroon ng okasyon na lumaban at ang buhay ninyo ay nalagay sa alanganin, shoot them dead. Naintindihan ninyo? Patay... Huwag ninyo subukan ang gobyerno kasi itong gobyerno na ito hindi inutil."

Ayon kay ACT Teachers party-list Rep. France Castro, tulong ang kailangan ng mga Pilipino at hindi karahasan, lalo na't hindi ito solusyon sa mga problema.

"At a time when the masses are trying to survive from the COVID here is our President sending out a kill order... The President should have learned by now that threats, intimidation, and shoot-to-kill orders breed more problems, rather than solve them," ani Castro.

Sa kaniyang public address, sinabi din ni Duterte na tila sinasamantala ng leftist groups ang sitwasyon, partikular na ang naantalang pagbibigay ng ayuda sa gitna ng Luzon lockdown kontra pagkalat ng COVID-19.

"Huwag ninyong gamitin ang puwersa. I am addressing the left na ‘yung pambabastos ninyo ‘yung slamming about the distribution." ani Duterte.

Ilang oras bago gawin ni Duterte ang pahayag, isang gulo ang sumiklab sa Sitio San Roque, Quezon City matapos mauwi sa pag-aresto ang paglabas ng ilang residente para manawagan ng relief goods.

Sabi ni Bayan Muna party-list Rep. Carlos Isagani Zarate, pruweba ito na gutom at hindi pag-uudyok ang dahilan ng pagpoprotesta ng mga residente.

"The left or other concerned groups no longer have to agitate our people, particularly the poor and marginalized, as in fact it is the Duterte administration' own aversive attitude, its lack of coherent, comprehensive and clear plan to address the Covid19 pandemic that already agitate the people now into action," ani Zarate.

Ganito rin ang opinyon ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan).

"The President should learn by now that problems are not solved by shooting people or ordering them arrested. There is a problem with hunger, delayed delivery of aid, and lack of health services," ani Bayan secretary-general Renato Reyes.

Pati ang Commission on Human Rights (CHR), naalarma sa pahayag ng Pangulo.

"Such statement is dangerous as it may be construed as an official policy from the government," ani CHR spokesperson Jacqueline Ann de Guia.

Sabi naman ni Sen. Leila de Lima, hindi na daw dapat magulat ang mga Pinoy sa asal ni Duterte.

"Sa loob nang 3 taon, wala na tayong ibang narinig mula sa Pangulong ito kung hindi gulo, barilan, patayan... Kung sabagay, hindi na nakakagulat ang ganitong asal mula kay Duterte. Nagawa nga niyang magpapatay ng libo-libong inosente sa ilalim ng kanyang palpak na giyera kontra droga," sabi ni De Lima.

Ayon naman kay Magdalo party-list Rep. Manuel Cabochan III, malasakit ang sagot sa COVID-19 crisis at hindi karahasan.

"Hindi bala ang sagot sa mga nagugutom at naghihirap kundi tulong. Hindi ito panahon ng pananakot at panggigipit kundi panahon ng pagmamalasakit. Threats of violence will not solve the COVID-19 crisis," aniya.

Sinabi ni Duterte sa public address niya na magtiis na lang muna ang hindi pa nabibigyan ng ayuda dahil paparating na ito.

"Ang pera, dadating. Ang pagkain dadating, huwag lang kayong magulo para smooth... Magtiis na lang siguro kayo ng delayed delivery pero dadating ‘yan at hindi ka magugutom. Hindi ka mamamatay sa gutom," anang Pangulo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.