'Mobile market' sa Pampanga, umarangkada sa gitna ng lockdown

Gracie Rutao, ABS-CBN News

Posted at Apr 02 2020 09:26 PM | Updated as of Apr 02 2020 11:25 PM

Nagsimula na ang pag-ikot ng mobile market sa lalawigan ng Pampanga para gawing mas madali ang pagbili ng pagkain ng mga residente.

Mula 5 a.m. hanggang 3 p.m. lamang ang nakatakdang "market hours" sa lalawigan dahil sa enhanced community quarantine.

Dahil na rin may mga ibang residenteng hirap pumunta sa mga palengke, inilunsad sa lalawigan nitong Huwebes ang mobile palengke.

Ayon kay Police Col. Jean Fajardo, ang provincial director ng Pampanga Police, susunod sa nakatakdang market hours ang mga mobile market.

“Susunod po yung mga
 mobile market natin sa itinakdang market hours at ang kaibahan lang po nito meron po tayong nag-iikot po na naka-makeshift na palengke at nagha-house to house delivery po yung iba yung iba naman po ay naglatag ng mini-talipapa,” paliwanag ni Fajardo.

Ngayong linggo, iikot ang mobile market sa iba pang bayan sa Pampanga. Magbebenta ito ng bigas, baboy, frozen food, itlog at iba't ibang tindang pagkain.

Solusyon umano ang mobile market para maiwasan ang paglabas ng mga tao mula sa kani-kanilang mga bahay.

May 11 kumpirmadong kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa Pampanga, base sa datos nitong Abril 1. Mayroon namang 140 na patients under investigation (PUI) at 14,446 na patients under monitoring (PUM).

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.