Mga nagbebenta ng overpriced alcohol at sanitizer, arestado sa Ilocos Norte

Dianne Dy, ABS-CBN News

Posted at Apr 02 2020 03:50 PM

Sa magkakahiwalay na petsa nitong nakaraang linggo nakumpiska ang mga overpriced hand sanitizer at alcohol mula sa pitong suspek sa Ilocos Norte. Larawan mula sa DTI-Ilocos Norte

LAOAG CITY - Pitong suspek ang arestado dito sa magkakahiwalay na operasyon sa Ilocos Norte dahil umano sa pananamantala sa kasalukuyang krisis sa pamamagitan ng pagbebenta ng overpriced na alcohol at sanitizer.

Ayon kay Dominador Alberto ng Department of Trade and Industry sa Ilocos Norte, paglabag ito sa Consumer Protection Act (RA 7394) at Price Act (RA 7581).

“RA 7394, ang kaparusahan nito ay magmumulta sa hindi lalagpas ng P300,000 at posibleng pagkabilanggo ng isang taon. Ang RA 7581, ang multa nito ay P5,000 hanggang P2 million at ang posibleng pagkabilango ng 15 years,” sabi ni Alberto.

Walang label at naka-plastic container at galon ang mga nakumpiska sa mga suspek na karamihan ay mga online seller. Mayroon ding isang botika.

Mula sa mga bayan ng Paoay, Bacarra, Pasuquin at Laoag ang mga nahuli simula noong Marso 24 hanggang 30.

Tumaas ang demand sa alcohol at hand sanitizer sa gitna ng paglaganap ng coronavirus disease sa bansa.