Lalaki sa QC timbog matapos magbanta, manutok ng baril

ABS-CBN News

Posted at Apr 02 2020 05:47 PM

Kinilala ang suspek bilang si Jose Delos Santos, 46, residente sa isang condominium sa Barangay Bagumbayan. Retrato mula sa QCPD

MAYNILA — Arestado noong Miyerkoles ang isang lalaki sa Quezon City matapos ireklamo dahil sa pagbibitbit ng baril at pananakot sa ilang residente at delivery guy.

Kinilala ang suspek bilang si Jose Delos Santos, 46, residente sa isang condominium sa Barangay Bagumbayan. 

Ayon sa pulisya, Lunes nang una silang makatanggap ng ulat na nakasaksi kay Delos Santos na may dalang baril upang tanggapin ang delivery na hindi naman para sa kaniya. 

Kinahapunan, muling nakita ang suspek na may baril sa kaniyang tinitirhang condo.

Sa pagresponde ng pulisya noong Miyerkoles, nakuha sa suspek ang 2 baril, 1 granada, at basyo ng mga bala.

Dalawang biktima ang nagtungo sa tanggapan ng Quezon City Police District (QCPD) para ireklamo si Delos Santos ng grave threat.

Nanawagan din ang QCPD sa delivery boy na nabiktima ni Delos Santos na lumutang para magsampa ng karagdagang mga kaso. 

Sasampahan si Delos Santos ng mga kasong illegal possession of firearms, explosives, and ammunition.

—Ulat ni Doland Castro, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.