Isolation facility sa Laguna para sa PUIs tinangkang sunugin

ABS-CBN News

Posted at Apr 02 2020 05:54 PM

MAYNILA — Tinangkang sunugin nitong Huwebes ng mga hindi pa nakikilalang salarin ang isang gusali sa Barangay Maravilla, Nagcarlan, Laguna na nagsisilbing isolation hub para sa persons under investigation (PUI) sa COVID-19. 

Ayon sa imbestigasyon, isang uri ng petrolyo ang ibinuhos sa pinto ng gusali at saka sinilaban bandang alas-5 ng umaga.

Mabilis na nakaresponde ang mga awtoridad kaya naapula ang apoy.

Ayon sa chairman ng barangay, tutol ang mga residente na gawing isolation area ang nasabing gusali dahil malapit daw sa residential area. Pumirma pa ang mga residente ng petisyon para ipatigil ito.

Ayon sa Nagcarlan police, malinaw na ang motibo sa tangkang pagsunog ay para hindi maging isolation area ang gusali.

Bantay-sarado na ngayon ng mga pulis ang gusali at ayon kay Nagcarlan Mayor Lourdes Arcasetas, itutuloy pa rin na gawing isolation area ang nasabing gusali.

"Sana po ay unawain niyo kung ano ang aming magandang ginagawa para sa inyo, huwag tayo magpolitikahan," ani Arcasetas.

Sabi ng pulisya, may lead na sila kung sino ang salarin sa krimen. 

"Kumuha pa ng samples ang BFP para mapa-test sa chemist para matukoy kung anong klaseng fuel ang ginamit sa pagsilab sa pintuan... Meron na tayong leads para matunton natin ang identity ng suspek," ani Police Capt. Elvin John Tio, hepe ng Nagcarlan police.

Sa ngayon, may 1 nang kaso ng COVID-19 sa Nagcarlan, 5 PUI at 282 persons under monitoring.


—Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.