MAYNILA (UPDATE) — Nilinaw ng National Bureau of Investigation (NBI) na ang pagbibigay nila ng subpoena o pagpapatawag nila sa mga pribadong netizen ay dahil sa isyu ng pagpapakalat ng pekeng balita sa coronavirus disease (COVID-19).
Ayon sa NBI, wala raw kinalaman ang mga pagpapatawag sa pagiging kritikal ng mga ito sa pagtugon ng gobyerno sa COVID-19 pandemic.
"Ang pagkaintindi ko sa investigation division ng computer crimes may ipinadala na silang subpoena... because they want to stop 'yong proliferation of fake news," sabi ni NBI Spokesperson Ferdinand Lavin.
Ayon naman kay NBI Cybercrime Divison Chief Vic Lorenzo, noong isang linggo pa sila nagmo-monitor ng 27 social media account dahil sa pagpapakalat umano ng fake news.
May 17 nang pinadalhan ng subpoena para makapagpaliwanag ang mga netizen. Wala pa rin daw ikinakaso sa mga ipinatawag na netizen.
Inilabas ng NBI ang paglilinaw kasunod ng pahayag ng human rights lawyer na si Chel Diokno na ipinatatawag na rin ang mga netizen na may social media posts na kritikal sa pagtugon ng administrasyon sa COVID-19 pandemic.
Isang netizen umano ang humingi ng tulong kay Diokno matapos makatanggap ng subpoena mula sa NBI Cybercrime Division.
Iniimbestigahan ang netizen sa posibleng paglabag umano sa Article 154 ng Revised Penal Code o "Unlawful use of means of publication and unlawful utterances."
"Even in this emergency, we are still entitled to our opinion. We are still entitled to transparency and accountability by the government," ani Diokno.
Iginiit din ng NBI na noong Pebrero pa sila nagsimulang mag-imbestiga laban sa fake news sa coronavirus.
Isa raw netizen ang ipinatawag at kinasuhan matapos mag-post ng isa umanong Chinese national na nangingisay at nilalagnat umano sa bangketa. Pero natuklasang isa lang daw pala itong lasing na Korean national.
DI LANG SI SOTTO ANG PINAGPAPALIWANAG
Nilinaw rin ng NBI na iniimbestigahan din nito ang iba pang lokal na opisyal, kasama si Sen. Aquilino "Koko" Pimentel III, dahil sa paglabag sa quarantine rules.
Ayon sa NBI, ipatatawag nila si Pimentel -- na nagpositibo sa COVID-19 -- matapos ang quarantine period nito.
Umani ng batikos si Pimentel matapos samahan ang kaniyang buntis na misis sa Makati Medical Center kahit may mga sintomas na siya ng COVID-19.
Noong Miyerkoles ay binatikos ang NBI matapos nitong hingin ang paliwanag ni Pasig City Mayor Vico Sotto ukol sa umano'y paglabag sa batas.
Pinagpapaliwanag ng NBI si Sotto dahil sa umano'y pagpayag nito na pagpasada ng mga tricycle sa Pasig City sa kabila ng pagsuspende ng gobyerno sa lahat ng pampublikong transportasyon alinsunod sa Luzon lockdown.
Ayon kay Sotto ay maaaring magamit ang mga tricycle bilang transportasyon ng frontliners at mga residenteng magpapa-medical check-up.
Depensa naman ni Sotto, agad siyang sumunod sa direktiba ng Department of the Interior and Local Government matapos tanggihan ang kaniyang hirit.
Iginiit naman ni Sen. Vicente "Tito" Sotto III, tiyuhin ni Vico at principal sponsor ng batas, hindi retroactive ang Bayanihan Act. Ibig sahiin ay kung nagawa ang paglabag bago naipasa ang batas ay hindi ito puwedeng gamitin ng NBI.
Kung si Interior and Local Government Secretary Eduard Año naman ang tatanungin, wala siyang nakitang ginawang paglabag ni Sotto sa batas.
Ayon kay Año, ibang local chief executives ang iniimbestigahan ng kaniyang ahensiya dahil hindi tugma ang mga local guideline sa ginawang national guideline para sa COVID-19.
Tumanggi si Año na pangalanan ang mga iniimbestigahang opisyal.
Ayon naman sa NBI, pinagpapaliwanag din nila ang isang barangay chairperson sa Las Piñas City. Pagpapaliwanagin naman umano ang ilang lokal na opisyal sa Quezon City, Cebu, at Bacolod. -- May ulat nina Jeff Canoy at Niko Baua, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog news, National Bureau of Investigation, Chel Diokno, Vico Sotto, Koko Pimentel, cybercrime, COVID-19, fake news, coronavirus, TV Patrol, Niko Baua, Jeff Canoy