Sako-sakong dog meat nasabat sa Nueva Ecija

Noriel Padiernos, ABS-CBN News

Posted at Apr 02 2019 04:23 PM

Naglalaman ng sako-sakong karne ng higit sa 20 aso ang van nang masabat sa Nueva Ecija. Larawan mula sa Animal Kingdom Foundation

SAN LEONARDO, Nueva Ecija – Nasabat ng awtoridad ang sako-sakong karne ng aso mula sa isang sasakyan, Martes ng madaling araw dito sa bayan. 

Minamaneho ng isang Perry Baybay ang van na naglalaman ng karne ng tinatayang higit sa 20 aso.

Ang matagumpay na operasyon ay naisagawa sa tulong ng sumbong ng concerned citizen at pagberipika ng Animal Kingdom Foundation (AKF) sa kalakaran ng dog meat sa nasabing bayan.

Ayon kay Heidi Marquez, program director ng AKF, malakas ang bentahan ng karneng aso sa panahong ito dahil eleksiyon at panahon ng graduation.

Kasama ng AKF sa operasyon ang Philippine National Police at National Meat Inspection Service.

Ang pagkatay, pagbiyahe at pagbebenta ng karne ng aso ay mahigpit na ipinagbabawal sa ilalim ng Republic Act 9482 o Anti-Rabies Act of 2007.

Napagalaman naman na may mga pending na kaso dahil din sa pagbebenta ng aso si Baybay.

Humingi ng tulong ang grupo sa publiko na sakaling may makitang ganitong ilegal na gawain ay agad na makipag-ugnayan sa AKF sa numerong 0939-914-2405.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.