PatrolPH

Lider, 2 miyembro umano ng NPA, arestado sa Negros Occidental

Barbara Mijares, ABS-CBN News

Posted at Apr 02 2019 07:40 PM

KABANKALAN CITY, Negros Occidental - Arestado ang isang umano'y lider at dalawang miyembro ng New People's Army (NPA) sa Barangay Tampalon dito sa siyudad Lunes ng gabi.

Ayon kay Brig. Gen. Benedict Arevalo, commanding officer ng 303rd Infantry Brigade ng Philippine Army, rumesponde ang mga awtoridad nang makatanggap ng impormasyon na may presensiya ng NPA sa lugar.

Isa sa mga naaresto ay ang umano'y sekretarya ng Southwest Front ng NPA na si Abraham Villanueva, alyas "Tikboy," na may mga pending na warrant of arrest para sa mga kasong arson, murder at frustrated murder, ayon kay Arevalo.

Ang mga bayan ng Cauayan, Hinobaan, Ilog, Candoni, Kabankalan City at Sipalay City ang areas of operation ng grupo.

Nakuha rin sa mga naaresto ang isang kalibre .45 na baril, isang magazine, mga bala at tatlong hand grenade.

Nagsagawa rin ng operasyon ang 15th Infantry Battalion kasunod ng nangyaring pag-aresto. Naka-engkuwentro naman nila ang aabot sa 20 na umano'y miyembro ng NPA.

Sa nasabing engkuwentro, nakuha naman ang isang M16 rifle, mga bala, cellphone, transistor radio at mga subersibong dokumento.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.