Hindi asawa? Panibagong suspek, itinuturo sa pagpatay sa ginang sa Davao City

Andoreena Causon, ABS-CBN News

Posted at Apr 02 2019 04:12 PM

DAVAO CITY – May panibagong suspek ang itinuturo sa pagpaslang sa isang ginang sa Davao City.

Ito ay matapos na makita ng awtoridad ang isang saksi na nagsabing iba ang pumatay sa biktimang si Flanar Samson.

Ayon kay Police Major Michael Uyanguren, hepe ng Sta. Ana Police, nakuha mula sa bagong suspek ang duguan na t-shirt ng biktima. Umamin daw din ito sa kaniyang misis. Pero nananatiling at large ito.

Sa paunang imbestigasyon ng pulisya nitong Lunes, lumalabas na alas-6 ng umaga nang makitang duguan at patay ang biktima sa Belisario Village, San Antonio.

Una ding itinuring na suspek ang mister ng biktima dahil silang dalawa lang ang nasa bahay. Dagdag ng pulisya dati nang nasampahan ng kasong pananakit ang lalaki.

Pero dahil sa bagong suspek, pansamantalang pinalaya ang mister ng biktima pero mananatili itong person of interest.

Dalawang anggulo ang tinitingnan ngayong bilang motibo sa krimen. Ang una ay personal grudge dahil may galit umano ang suspek sa biktima kaugnay sa utang sa pera. Ikalawa ay attempted rape dahil bahagyang nakataas ang t-shirt at nakabukas ang zipper ng pantalon ng biktima.

Hinihintay na lang ng pulisya ang resulta ng finger at foot prints na nakuha sa crime scene.

Samantala, isasailalim naman sa awtopsiya ang bangkay ng biktima.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.