Hepe ng pulis sa Negros Oriental, 3 pa, sibak dahil sa police ops

ABS-CBN News

Posted at Apr 02 2019 03:00 PM

Sibak na sa puwesto ang provincial police director ng Negros Oriental at ang mga hepe ng pulisya sa Canlaon City at sa mga bayan ng Manjuyod at Santa Catalino. 

Ito ay para bigyang daan ang imbestigasyon sa pagkamatay ng 14 na magsasaka sa mga anti-criminal operations noong Sabado, na kinondena ng ilang grupo. 

Ayon kay Philippine National Police chief General Oscar Albayalde tanggal na sa kani-kanilang puwesto sina Negros provincial police director Col. Raul Tacaca, Canlaon police chief Lt. Col. Patricio Degay, Manguyod police chief Lt. Kevin Roy Mamaradlo, at Sta. Catalina police chief Capt. Michael Rubia. 

Ani Albayalde, ito ay para maging patas ang imbestigasyon sa mga pagpaslang. 

Nauna nang sinabi ng PNP na lehitimo ang naturang mga operasyon. 

'WALANG KOORDINASYON' 

Ayon kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo, walang koordinasyon sa lokal na pamahalaan ang nangyaring operasyon. 

Aniya, naniniwala siyang lehitimo ang operasyon ng pulis at hindi ito masaker; pero hindi dapat ito humantong sa patayan. 

"It was informed (to us) after natapos na 'yung operation... When I checked na it was legitimate operation because of the search warrants," aniya sa panayam sa DZMM. 

Nanawagan na raw si Degamo na ipaliwanag ng mga police ang nangyaring operasyon. 

Aniya, handa rin siyang umayuda sa pagpapalibing ng mga nasawi.

Magugunitang nagsagawa ng pagsalakay ang mga pulis para sa 36 target ng kanilang anti-criminality drive sa Negros Oriental. Karamihan sa 14 na napatay ay mayroon umanong kasong illegal possession of firearms. 

Una nang inanunsiyo ng Commission on Human Rights (CHR) nitong Linggo na maglulunsad sila ng imbestigasyon ukol sa karumaldumal na sinapit ng mga magsasaka. 

-- May ulat ni Raffy Santos, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.