Estudyante, nalunod sa paliligo sa talon sa Benguet

Justin Aguilar, ABS-CBN News

Posted at Apr 02 2019 04:57 PM | Updated as of Apr 02 2019 11:22 PM

Tinangka pang i-revive ng mga rumesponde ang 17-anyos na binatilyo pero nabigo na sila. Larawan mula sa Tuba Municipal Police Station 

TUBA, Benguet – Patay na nang madatnan ng isang ama ang kaniyang 17-taong gulang na anak na lalaki matapos umanong malunod sa paliligo sa talon, Lunes ng hapon.

Nagpaalam lang umanong kukuha ng clearance sa paaralan ang Grade 8 na si alyas Ben kaya laking gulat ng kaniyang ama nang makatanggap ng tawag na nasa Hydro 2, Sitio Camp 6 sa bayan ng Tuba ang anak.

“Sobrang sakit pero ‘yun nga kailangang tanggapin kasi hindi naman natin ginusto ‘yan,” ayon sa ama ni Ben.

Sinubukan pang i-revive si Ben ng mga rumesponde pero nabigo na sila.

“Sana maging alert din yung community na bawalan kapag nakikitang may mga nagpupunta doon,” dagdag ng ama ng bata.

Watch more in iWant or TFC.tv

Maglilimang taon na raw na sarado sa publiko ang lugar.

“May tarpaulin na nakalagay na bawal lumangoy doon pero nung nag-Ompong nasira yung mga tarpaulin na nilagay namin doon,” sabi ani John Mayapit, Kagawad ng Barangay Camp 4.

May mga nakatalaga rin daw silang nagbabantay at nagbabawal sa mga pumapasok sa lugar pero giit nila, sadyang may mga nakakalusot at naghahanap ng ibang daan marating lang ang paliguan.

Martes naman ng umaga nang magsagawa ng conference ang mga pulis at opisyal ng barangay para pag-usapan ang mga hakbang na ipatutupad para mas higpitan ang pagbabawal sa pagpunta sa Hydro 2.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.