PatrolPH

2 lalaki, arestado sa paglabag sa election gun ban sa Ilocos Norte

Grace Alba, ABS-CBN News

Posted at Apr 02 2019 01:16 AM

Arestado ang dalawang lalaki dahil sa paglabag sa election gun ban sa lalawigan ng Ilocos Norte nitong Sabado.

Isang magsasaka ang inaresto matapos makuhanan ng mga bala sa loob ng kaniyang bahay sa Barangay Catagtaguen sa bayan ng Banna.

Nakuha mula sa kaniya ang 12 bala ng iba't ibang klase ng baril na nakatago sa loob ng isang plastik na lalagyan ng gamot. Nakita ang mga bala sa ibabaw ng kanilang refrigerator.

Itinanggi ng suspek na sa kaniya ang mga bala.

Paliwanag ni Police Major Arnel Tabaog ng Banna Police, naghain sila ng search warrant matapos makatanggap ng impormasyon na nagpaputok ng baril ang suspek noong 2018.

"May alleged na nagpapaputok siya noong 2018 kaya in-applyan natin ng search warrant," ani Tabaog.

Haharap din sa reklamong paglabag sa election gun ban ang isang miyembro ng civil security group ng lokal na pamahalaan ng Dingras na si alyas "Diego."

Nanutok umano ng baril ang suspek sa kaniyang kapwa sekyu. 

Nagsimula ang insidente sa isang komosyon ng mga binatilyo na sinaway ng biktima. Nagsumbong ang isa sa mga binatilyo sa suspek na kaniyang pinsan at dahil dito, sinugod na ng suspek ang biktima.

Paliwanag naman ng suspek, may dala siyang baril pero hindi siya nanutok.

Ayon sa pulis, walang lisensiya ang kalibre .45 baril na dala ng suspek. 

"Based sa record natin, nakasuhan din siya ng Comelec gun ban noong nakaraang eleksyon," sabi ni Police Major Joseph Calderon, hepe ng Dingras Police Station.

Bukod sa paglabag sa election gun ban, haharap din si Diego sa reklamong illegal possession of firearms and ammunition.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.