Magulang ng OFW na nakita sa freezer, nais makita ang bitay sa 2 amo ng anak

ABS-CBN News

Posted at Apr 02 2018 08:54 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nais ng mga magulang ng nasawing Pinay household service worker (HSW) sa Kuwait na mapanood ang pagbitay sa mag-asawang dating employer ng kanilang anak, at idinadawit sa pagkamatay nito.

Ayon sa mag-asawang Eva at Crisanto Demafelis, hinding hindi nila mapatatawad ang mga amo ng anak na si Joanna, na natagpuan nitong Pebrero sa loob ng isang freezer sa inabandonang apartment ng mga akusado sa Kuwait.

"Mahirap pa ring tanggapin 'yong ginawa sa anak ko," naiiyak na sabi ni Eva.

Hinihinalang isang taon nang patay si Joanna nang matagpuan ang kaniyang bangkay.

Nito lang Linggo, Abril 2, lumabas ang ulat na sinentensiyahan ng korte sa Kuwait ng kamatayan o bitay sa pamamagitan ng pagbibigti ang lalaking Lebanese at kaniyang misis na Syrian na mga employer ni Joanna noong huli siyang nakitang buhay pa.

Magkasunod na nahuli ang mag-asawa sa Damascus na kabisera ng Syria kasunod ng manhunt ng Interpol.

Ipinaubaya ng mga awtoridad na Syrian ang Lebanese na akusadong si Nader Essam Assaf sa mga awtoridad ng Lebanon habang nanatili ang Syrian na si Mouna Hassoun sa kustodiya ng mga awtoridad sa Damascus.

Ayon sa isang source ng Agence France-Presse, maaari pang iapela ng mag-asawa ang sentensiya kung sila'y babalik sa Kuwait.

Sa batas kasi ng Kuwait, maaaring makaiwas sa bitay ang isang sinentensiyahan kung siya'y patatawarin ng pamilya ng biktima at kung magbabayad ang sentensiyado ng "blood money" o halaga ng danyos sa naiwang kaanak.

Gayunman, nanindigan ang mag-asawang Demafelis na hindi sila magpapaaareglo.

"Kinuha nila 'yong buhay ng anak ko, siyempre buhay rin nila ang kapalit," ani Eva. 

"Bakit, naawa ba sila sa anak ko? Aba, wala silang awa e wala rin akong awa sa kanila," sambit naman ni Crisanto

Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), mga awtoridad mismo ng Kuwait ang nagbalita sa DFA ukol sa sentensiya sa mag-asawang amo ni Demafelis.

Nakakuha na rin ang Philippine Embassy sa Kuwait ng kopya ng court order.

"Kuwaiti authorities informed Foreign Affairs Undersecretary for migrant workers affairs Sarah Lou Arriola of the court decision during a meeting in Kuwait on Sunday but did not provide additional details. The embassy, however, was able to obtain a copy of the court order," saad ng pahayag ng DFA.

Pinaghahandaan na rin ng Pilipinas ang posibilidad na ipilit ng Lebanon na sa kanila na ituloy ang kaso.

"Ambassador to Kuwait Renato Villa said Kuwaiti authorities have requested the extradition of Assaf but it is possible that Lebanese authorities may decide not to turn him over and will try the case in Beirut instead," sabi ng DFA. 

"Undersecretary Sarah Lou Arriola said the department will provide lawyers to assist in the case should Lebanese authorities decide to hold the trials in Beirut."

DEPLOYMENT BAN

Maituturing na ring hustisya ang sentensiyang bitay sa employers ni Joanna, ayon kay Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Silvestre "Bebot" Bello III.

Isa ang hustisya para kay Demafelis sa mga kondisyon noon ng Pilipinas bago ikonsidera ang partial lifting ng total deployment ban sa Kuwait na nagsimula noon pang Pebrero sa gitna ng mga report ng pang-aabuso sa mga Pinoy HSW na kalauna'y lalong naging maigting na isyu nang matagpuan ang labi ni Joanna.

Gayunman, hinihintay pa ni Bello ang pirmahan para sa memorandum of understanding on overseas Filipino worker protection bago irekomenda kay Pangulong Rodrigo Duterte ang partial lifting ng total deployment ban sa Kuwait.

"This is a case of a sweet and swift justice, and we do appreciate the effort of the Kuwaiti government," ani Bello.

Sa inisyal na taya ng DOLE, aabot ng hanggang 600 OFW ang naunsiyami ang pag-alis papuntang Kuwait dahil sa total deployment ban. 

-- Ulat nina Zen Hernandez at Sherrie Ann Torres, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.