Grupo umalma sa rekomendasyon vs mga piskal na nagbasura ng Kerwin Espinosa case

ABS-CBN News

Posted at Apr 02 2018 05:55 PM

Ikinababahala ng isang grupo ng mga abogado ang rekomendasyong suspendihin at sampahan ng reklamong administratibo ang mga piskal na nagbasura sa drug case laban kina Peter Lim, Peter Co, Kerwin Espinosa, at iba pa.

Kinondena ng presidente ng State Prosecutors and Prosecution Attorneys Association Inc. (SPPAAI) na si Atty. Jolly de Claro-Mendoza ang naturang rekomendasyon na nanggaling sa Presidential Anti-Crime Commission (PACC).

Tinawag ni Mendoza na malisyoso ang pagpapasuspende at pagsasampa ng reklamo kina assistant state prosecutor Michael John Humarang, OIC-senior deputy state prosecutor Rassendel Rex Gingoyon, Acting Prosecutor General Jorge Catalan, gayundin ang planong pagpapa-lifestyle check kay dating assistant state prosecutor at ngayo'y regional trial court Judge Aristotle Reyes.

Ayon sa SPPAAI, bilang mga prosecutor, obligasyon nila na magdesisyon sa bawat kaso base sa mga inilalatag na ebidensiya ng complainant.

Paliwanag ng SPPAAI, hindi sila maaring magpadala sa public outcry o ang opinyon ng publiko sa isang partikular na kaso.

Kasabay nito, nagpahayag ng buong pagsuporta ang SPPAAI sa kanilang mga kasamahang inirekomendang suspendihin o sampahan ng reklamo.

Nitong Marso lang naisapubliko ang desisyon ng Department of Justice (DOJ) noon pang Disyembre 20, 2017 na nagbabasura sa reklamong isinampa ng Criminal Investigation and Detection Group laban kina Espinosa, Lim, Co, at iba pang malalaking drug lord umano sa bansa.

Nobyembre 2016 nang idetalye ni Kerwin Espinosa sa pagdinig ng Senado ang pagkakasangkot niya sa kalakalan ng ilegal na droga.

Dito, isa-isang binanggit ni Espinosa ang mga suplayer niya ng droga, mga opisyal na nasa kaniyang payola, at mga nagsilbing protektor niya.-- May ulat ni Johnson Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.