Bakit di pa tuluyang makabalik sa Marawi ang mga residente?

ABS-CBN News

Posted at Apr 02 2018 11:25 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Sinimulan na nitong Linggo, Abril 1, ang "kambisita" o ang unti-unting pagpapapasok ng mga residente sa Marawi para mabisita ang kanilang tahanan at maisalba pa ang puwedeng mapakinabangang gamit kasunod ng limang buwang bakbakan doon noong nakaraang taon.

Mahigit 1,200 pamilya ang nakabisita sa kanilang naiwang ari-arian sa dalawang barangay sa Marawi.

Gayunman, hindi pa rin tuluyang mapapabalik sa lugar ang mga residente nito.

Ayon sa militar, masyado pa rin kasing delikado ang ilang bahagi ng Marawi dahil sa mga di sumabog na bomba na pinakawalan o iniwan noong kasagsagan pa ng sigalot.

Sa tala ng Joint Task Group Builders, 1,187 unexploded ordnance (UXO) at 343 improvised explosive device (IED) ang nabawi na ng grupo mula noong Nobyembre 15, 2017 hanggang nitong Abril 1.

Sa datos na binigay ng Air Force, may 70 bombang inihulog noong kasagsagan ng bakbakan ang hindi sumabog. 

Gamit din ang datos ng Air Force, tinutunton ang ilang lugar na binagsakan ng bomba.

Mayroon ding lugar kung saa nahukay na at narekober na ang mga bomba.

Nito lang Lunes, may ilan pang pasabog na natutunton sa bahagi ng Marawi na idineklarang "cleared" na.

"Pagka may nakitang [pasabog], vacate the area, tapos 'yung mga authorized lang na nandito yung mag-recover. So pag nakikita nila 'yang bomba, kailangan walang mga tao sa area," ani Captain Julester Cañada, operations officer ng Joint Task Group Builders.

Sa ngayon, 80 porsiyento pa lang ng Marawi ang deklaradong cleared o wala nang pasabog.

Ayon sa mga awtoridad, maaaring makamatay ang nalalabing 20 porsiyento ng lugar na mayroon pang pasabog.

Kaya naman pasensiya pa rin ang hiling ng mga kinauukulan sa mga residenteng nagnanais nang makabalik ng kani-kanilang tahanan sa Marawi.

Nito lang Marso 30, Biyernes Santo, nagtungo sa Marawi ang ilang 'bakwit' o evacuees upang tutulan ang pinaplanong rehabilitasyon ng pamahalaan sa kanilang lugar.

Hindi raw kasi sila nakonsulta at marami sa mga plano ay labag sa kanilang kultura at paniniwala.

Tulad ng isa residenteng nangangambang magagalaw ang libingan ng kanilang mga ninuno kapag natuloy ang planong patagin ang mga bulubunduking bahagi ng bayan.

Tutol din sila sa paglalagay ng military reserve sa kanilang bayan.

-- Ulat ni Jorge Cariño, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.