PatrolPH

Bilang ng mga nasawi sa nasunog na ferry, bumaba sa 28

ABS-CBN News

Posted at Apr 01 2023 06:42 PM

Dinala na sa Zamboanga City ang mga bangkay na natagpuan sa nasunog na MV Lady Mary Joy 3 ferry.

Ayon kay Philippine Coast Guard Zamboanga Station Commander Christopher Domingo, 17 ang mga bangkay na na-recover taliwas sa naunang report na 18.

Paliwanag ni Domingo, unang umakyat sa barko ang Bureau Of Fire Protection ng BARMM noong Huwebes at naitala ang 18 na sunog na katawan.

Pero sa pag-akyat ng PNP Scene Of The Crime Operatives sa barko kahapon, 17 lamang umano ang mga bangkay na naroon.

Dagdag ni Domingo, mayrong maliit na sunog na bagay na hindi matukoy kung bata o hindi, kaya hindi muna ito binilang.

Nabuksan na rin umano ang lahat ng mga cabin at nagalugad na rin ang kabuuan ng barko at wala nang natagpuang ibang bangkay. Nasa 28 ang kabuuang bilang ng mga nasawi sa trahedya.

Nasa 216 pa rin ang bilang ng mga narescue, kasama ang 35 na crew.

Hindi naman makumpirma ni Domingo ang report ng Western Mindanao Command na may 2 pa silang sundalong nawawala. Wala pa umanong binigay na pangalan ang WesMinCom.

Samantala pumunta sa Basilan ang Maritime Casualty Investigating (MCI) team ng Philippine Coast Guard na inatasang manguna sa imbestigasyon.

Ayon kay Domingo, natapos nang kausapin ng MCI team ang mga survivor at mga crew.

Hindi pa matukoy sa ngayon kung saan nagmula at ano ang sanhi ng sunog.

-- Ulat ni Queenie Casimiro

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.