PatrolPH

7 suspek sa krimen sa China, nasa kustodiya na ng Immigration

ABS-CBN News

Posted at Apr 01 2023 06:44 PM

Hawak na ng Bureau of Immigration ng Cebu ang 7 Chinese na tripulante ng Chinese vessel na KaiDa 899.

Nitong Biyernes ng hapon, mula sa Tacloban ay dinala sila ng mga awtoridad sa Cebu.

Matatandaang 2 buwan na matapos magpasaklolo sa Coast Guard ang Chinese vessel nang masira ang timon sa laot sa bandang Suluan Island sa Eastern Samar kaya hinila ng BRP Cabra papuntang Tacloban.

Kamakailan lang naglabas ng pahayag ang Chinese Embassy na ang 7 mga Chinese crew member ay suspek ng krimen sa China at hiniling ang Coast Guard na ilipat ang kustodiya ng mga ito sa Bureau of Immigration.

Inabot sila ng 2 buwan sa gitna ng laot sa Tacloban matapos hindi sila pinayagan ng mga awtoridad na makaalis dahil walang naipapakitang mga dokumento tulad ng certificate of registration at certificate of ownership.

Ang tanging dokumentong nakuha lang ng Coast Guard ay ang kopya ng certificate of deletion ng rehistro ng barko mula sa Chinese government na nagpapatunay na hindi na ito ligtas pumalaot at hindi rin pasado sa maritime safety standards.

Dalawa sa mga tripulante ay mula sa Hong Kong, habang ang lima ay mula sa Guangdong, China.

Ayon sa Bureau of Immigration mananatili muna sila sa kanilang custodial facility sa Cebu habang inihahanda ang mga dokumento para sa kanilang repatriation.

Nangako ang Coast Guard na patuloy nilang babantayan ang Chinese vessel. Kabilang na rito ang pagsigurong walang mangyayaring oil spill at mapanatiling ligtas at maayos ang barko at ang kagamitan sa loob nito.

— ulat ni Sharon Evite

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.