PatrolPH

Puganteng positibo sa COVID-19 tumakas sa isolation tent; huli sa manhunt

ABS-CBN News

Posted at Apr 01 2021 12:20 PM | Updated as of Apr 01 2021 12:35 PM

Puganteng positibo sa COVID-19 tumakas sa isolation tent; huli sa manhunt 1
Nahuli ng mga awtoridad noong Marso 30, 2021 ang isang presong positibo sa COVID-19, na tumakas ng provincial jail ng Aurora. Retrato mula sa Baler Police Station

BALER – Balik-kulungan ang isang preso na tumakas sa isolation tent sa Aurora matapos magpositibo sa COVID-19.

Kinilala ang pugante bilang si Joshua Andres, na nakulong noong Pebrero 22 dahil sa kasong carjacking.

Ayon kay jail warden John Ryan Querijero, dinala sa isolation tent ng provincial jail compound si Andres para sumailalim sa quarantine matapos magpositibo sa COVID-19.

Pero nabatid noong umaga ng Lunes na nawawala na sa isolation tent ang preso.

Agad nagkasa ng manhunt ang mga awtoridad at natunton noong Martes ang pugante sa bahay ng kaniyang mga magulang sa Barangay Reserva.

Tumulong din ang Baler Disaster Risk Reduction and Management Office para maingat na maibalik sa Aurora Provincial Jail ang pugante.

Sa salaysay ni Andres, ikinuwento niyang tumakas siya sa pamamagitan ng pag-akyat sa bakod bandang alas-2 ng madaling araw noong Lunes. 

Nagtamo rin ng ilang sugat sa katawan ang pugante. 

Sa kabuuan, nasa 72 ang active COVID-19 cases sa Aurora Provincial Jail, kung saan 64 ang mga preso habang 8 ang jail guards.

Dahil sa nangyaring pagpuga, ibinalik muna sa mga selda ang mga preso kung saan pinaghiwalay sila batay sa kalagayan tulad ng COVID-19 positive with symptoms at asymptomatic.

– Ulat ni Harris Julio

RELATED VIDEO:

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.