Patay sa isang police operation noong Marso 26, 2021 si Barangay Niño Jesus Chairman Elmer Casabuena ng Iriga City, Camarines Sur. Larawan mula kay Jonathan Magistrado.
IRIGA CITY, Camarines Sur — Ngayong Semana Santa, doble ang lungkot ng mga residente ng Barangay Niño Jesus sa lungsod na ito dahil sa pagkamatay ng punong barangay nila.
Nasawi ang 50 anyos na si Elmer Casabuena nang pumalag umano sa isang operasyon kontra ilegal na baril at droga ng Camarines Sur Provincial Police, madaling araw noong Marso 26.
Isang cal .45 na baril ang hinahanap ng pulisya, ngunit nagpaputok umano ito sa mga pulis gamit ang cal .38 revolver
“Nagkaroon po talaga ng firefight doon, kasi hindi naman po siguro aabot dun kung hindi naman po nagkaroon ng exchange of fire,” sabi ni Police Maj. Louie Manuel Dela Peña, Chief ng Police Community Affairs Division ng pulis panlalawigan.
Pero imposible ito, ayon sa biyuda ng kapitan, dahil bukod umano sa walang pag-aaring baril ang asawa, hindi rin umano ito marunong gumamit nito.
Naiiyak siya dahil hindi niya nasaklolohan ang asawang sapilitan umanong ipinapasok sa kwarto nila, habang siya, ikinulong umano sa kwarto ng menor de edad na anak.
"Opo, rinig na rinig ko po kasi humihingi pa siya sa akin ng tulong, tinatawag niya 'ko. Sabi niya sa akin, parang gusto kong pasukin siya para tulungan ko. Pero hindi ko magawa kasi may humaharang sa amin, may nakabantay. Huwag daw kami maingay para 'di kami madamay," kuwento niya.
Masama rin ang loob ng mga taong malapit kay Casabuena dahil ginamit umanong palusot ng mga pulis na may New People's Army sa barangay para sa himpilan na ng pulis siyasatin ang umano’y mga ebidensiya.
Ayon sa pulisya, may 20 sachet umano ng droga silang narekober sa belt bag ni Casabuena.
“Siguro Sir, hindi siya magiging kapitan kung siya ay related sa shabu. Sa aming mga sumusuporta sa kanya, siguro isang dagok ang nangyaring ito sa aming barangay dahil nawalan kami ng ama ng aming barangay. Kaya ang ipinapakiusap ko lang, maging totoo lang ang mga balitang lumalabas at hindi sana maging bias ang ating batas,” depensa ng isang taga-suporta ni Casabuena.
Ayon sa umano'y natulungang drug surrenderer, ang karanasan umano sa droga noong bata pa ang dahilan kaya nagsikap si Casabuena na mahikayat na magbago silang drug dependents sa lugar.
“Nagkaroon po ng community service. Nagkaroon po ng rabus ang mga kabataan. Talagang masigasig siyang ma-drug clear ang aming barangay… Bilang drug surrenderer po, nalulungkot kami na ganito ang nangyari kay Kap… Malaking kawalan si Kap,” ani drug surrenderer.
Ikinagulat ng DILG-Iriga ang pagiging high-value individual ni Casabuena sa drug watchlist ng Camarines Sur Police dahil pumasa naman ito sa parameters ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at naideklarang drug-free ang barangay noong October 2019.
"Supported ito ng mga documents. Kaya nagtataka nga ako kung bakit yung warrant na ibinigay sa kanya is related sa illegal drugs (jc). Kung sakali mang bumalik, dapat yung PDEA, binaliktad nila. Kinansel nila yung certification na drug cleared yung barangay na yun. Wala naman,” ani Elmer Penolio, Local Government Operations Officer V ng Iriga.
Kinondena ni Iriga Mayor Madel Alfelor ang pagpatay. Bukod kasi sa aktibo sa pagtulong sa sektor ng agrikultura, malaki rin ang ambag ni Casabuena sa kampanya kontra droga ng lungsod.
Isang kaso umano ito ng extra judicial killing dahil isinagawa ang pagsalakay na walang mandatory witnesses, at huli na nang makipag-ugnayan ang mga operatiba sa Iriga City Police.
“We condemn EJK. We condemn political killings in the guise of drugs... He’s a good soldier. He’s a good public servant. And I just want to make an appeal na kung pwede, do not besmirch his reputation because dead man tell no tales. Patay na po siya. He can’t even defend himself... They are all cowards,” ani Alfelor.
Tingin ng abogado at dating opisyal ng National Bureau of Investigation na si Ricardo Diaz, may mali sa naging operasyon ng Camarines Sur Police.
“Dapat diyan mismo sa lugar kung saan mo nakuha yung ebidensya, d'yan ka gagawa ng imbentaryo. Yung ginawa nila, yung sabi mo, kinuha yung mga ebidensiya. Natakot siguro sa NPA. Ginawa nilang dahilan para gawin ang imbentaryo sa ibang lugar. Ilegal yan, sabi ng Supreme Court… Ang search warrant ay to search for property and bring it before the court, hindi to kill. Yung nangyayari ngayon, parang ginagamit yung search warrant parang license to kil. Hhindi pwede yung ganun eh. Pero nangyayari yan. Maraming nangyayaring ganun lately,” ani Diaz.
Pinag-aaralan na ng kampo ng punong barangay ang pagsasampa ng kasong murder sa mga pulis na sangkot sa insidente.
– ulat ni Jonathan Magistrado
RELATED VIDEO
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
Iriga City, Camarines Sur, Barangay Nino Jesus Irigat City, Barangay Chairman Elmer Casabuena, nanlaban, Elmer Casabuena, war on drugs, Tagalog news, regions, regional news