PatrolPH

Mga pasahero sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila nakinabang sa libreng sakay handog ng PNP

Wheng Hidalgo, ABS-CBN News

Posted at Apr 01 2021 12:33 AM

Mga pasahero sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila nakinabang sa libreng sakay handog ng PNP 1
Nag-alok ng libreng sakay ang Philippine National Police para sa mga pasahero. Larawan mula kay Wheng Hidalgo, ABS-CBN News

MAYNILA - Nakinabang ang maraming pasahero sa Metro Manila sa libreng sakay na hatid ng Philippine National Police nitong Miyerkoles.

Nakatipid na sa pamasahe, nakatipid pa sa oras. Ito ang ipinagpasalamat ng mga pasaherong bumiyahe mula EDSA Cubao, Quezon City hanggang Rodriguez, Rizal. 

Alas-5 ng hapon nang umalis sa Kampo Crame ang bus at utility trucks ng PNP na may kani-kaniyang ruta.

Ang isang truck na kayang magsakay ng hanggang 16 na pasahero ay bumyahe mula Cubao hanggang Rodriguez sa Rizal, na dumaan sa Commonwealth Avenue at Litex Road. 

Kung tutuusin ay kayang magsakay ng truck ng hanggang 40 katao. Pero dahil kailangan sundin ang physical distancing, hanggang 16 lang ang naisakay na kumportable namang nakaupo.

Pagsakay nila, ini-sprayan sila ng alcohol sa kamay at pinaalalahanan na isuot nang maayos ang face mask at face shield, saka sila pinapipirma sa logbook. 

Kung kahapon ay walang sumakay sa truck na sinundan ng news team dahil sa kakulangan ng impormasyon tungkol sa libreng sakay at ruta, ngayon ay halos dumugin ang truck.

Pero kino-kontrol ng pulis ang pagsakay dahil kailangan sundin ang minimum health protocol.

Ang pulis din ang nagsilbing kundoktor. Ayon sa mga pasahero na mula pa sa Cubao at bumaba sa bayan ng Rodriguez, 50 pesos ang natipid nila sa pamasahe at isang oras silang maaga kumpara sa normal na biyahe nila.

Mabilis ang biyahe dahil hindi na rin ito iniinspeksyon sa checkpoint dahil ito ay police vehicle. Kaya nagpapasalamat ang mga pasahero at natiyempuhan ang libreng sakay. 

Mula naman Rodriguez, may mga pasaherong sumakay at bumaba sa Commonwealth Avenue kahit lampas na ng curfew. 

Nagsisimula ang biyahe ng mga libreng sakay ng alas-5 ng umaga hanggang alas-9 ng umaga. Sa hapon naman ay mula alas-5 ng hapon hanggang alas-9 ng gabi ang biyahe.

Ito ay para matiyak na wala ng mga tao sa lansangan dahil sa pinaiiral na curfew sa NCR Plus habang nasa ECQ ito.

Ayon kay Police Col. Roger Simon, ang Chief of staff ng Police Community Affairs Development Group, gagawin nila ito hanggang naka-ECQ ang NCR Plus o kung kinakailangan pa rin kahit tapos na ang ECQ.

At kahit ngayong Semana Santa ay may mga ruta pa rin ang PNP vehicles na magbibigay ng libreng sakay.

Narito ang ruta ng libreng sakay ng PNP:

  • Monumento to Pasay/MOA - vice versa
  • Cubao to Quiapo - vice versa
  • Cubao to Antipolo - vice versa
  • Cubao to Taytay - vice versa
  • Cubao to Rodriguez - vice versa
  • Cubao to Novaliches - vice versa
  • Cubao to Meycauayan, Bulacan - vice versa
  • Camp Crame to Zapote Road, Bacoor - vice versa
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.