PatrolPH

'Tinanggihan ng 30 ospital': Anak idinetalye ang karanasan nang atakihin sa puso ang yumaong ama

Jeff Canoy, ABS-CBN News

Posted at Apr 01 2020 06:35 PM | Updated as of Apr 02 2020 01:47 AM

'Tinanggihan ng 30 ospital': Anak idinetalye ang karanasan nang atakihin sa puso ang yumaong ama 1
Aabot sa higit 30 ospital ang nilapitan ng pamilyang Boco at ng kanilang mahal sa buhay para lang mapa-confine ang padre de pamilyang si Arnel, na kritikal noon ang kalagayan dahil inatake sa puso. Mula kay Zyrene Boco

Nag-viral ang post ng isang estudyante na ibinahagi ang naging karanasan matapos tanggihan umano ng higit 30 ospital na tanggapin ang kaniyang yumaong ama dahil puno na o kulang sa gamit ang mga ito sa gitna ng pagdami ng kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Sa kaniyang post, sinabi ng anak na si Zyrene Boco na nagawa pa nilang magdiwang ng ika-56 kaarawan ng ama na si Arnel. Kinabukasan, umaga ng Marso 26, ay inatake ito sa puso. 

Isinugod siya sa ospital malapit sa kanilang bahay. Pero dahil puno na ito, sa tent na nagsilbing emergency room sila pinadiretso. 

Dito sinabi ng mga doktor na kritikal na si Arnel, pero nagkulang umano ng kagamitan ang ospital kaya kinailangan nilang ilipat. 

"Nakahiga si daddy. And then na-intubate na po siya roon agad and then sinabi po sa amin na he needs intensive care and 50-50 na po iyong buhay niya. Pero wala po silang machines or anything to provide the intensive care so kailangan siyang ilipat sa ibang hospital," ani Zyrene.

Watch more on iWantTFC

Lumabas sa resulta ng x-ray na may pneumonia rin si Arnel pero hindi matiyak kung nagpositibo ito sa COVID-19 kaya isinailalim siya sa test.

Nagtawag pa sila ng halos 30 ospital pero sinabi ng mga ito na napuno na ang ICU, hindi na umano sila tumatanggap ng mga pasyente o kaya kulang na ang mga kagamitan nila. 

"They all said po that number one, the ICU is full. Wala na pong available talaga. Tapos second thing they say po is they don't accept pneumonia patients, and third, they don't have ventilators po," ani Zyrene. 

Noong March 27, dalawang araw matapos ang kaniyang kaarawan ay namatay si Arnel. 

"It’s like no one was accepting him so we were just waiting and waiting hanggang sa bumaba na po iyong blood pressure niya, hanggang sa ma-cardiac arrest na po siya. Pero wala po kaming nagawa. Sobrang sakit po," dagdag niya. 

Agad na pinacremate ang labi ni Arnel. 

 'WALA PANG RESULTA' 

Bumalik na rin sa bahay ang kaniyang pamilya, na nag-aabang ng resulta ng COVID-19 ng kanilang ama. 

"Bale po iyong isa po nasa sala, iyong isa po nasa hagdan, iyong isa po nasa dining tapos nagdadasal po kami ng rosary. Hindi po kami puwedeng magyakapan, kasi nga may chance po na positive si daddy at delikado rin po if may magkaroon ng virus dito," ani Zyrene. 

"Sobrang hirap. Panganay po ako. Kailangan ko pong maging strong para sa kanila. Tapos hindi ko man lang po sila ma-console o masabi na kailangan nating maging strong. Hindi ko po sila mayakap pati po iyong mommy ko," dagdag niya. 

Ayon kay Zyrene, sana raw ay mas matulungan ng Department of Health ang mga hospital frontliners sa gitna ng buhos ng pasyente ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) para hindi na maulit sa iba ang kanilang karanasan. 

"Gusto ko pong malaman ng mga tao na hindi lang po ako iyong may ganoong pinagdaanan," ani Zyrene. 

Sa ngayon, naghihintay pa rin ng resulta ng test ang pamilyang Boco. 
Sama-sama sila ngayon sa isang bubong pero kani-kaniya ang kanilang pagluluksa. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.