Lumang bomba, nahukay sa Iloilo

Hernani Escullar Jr., ABS-CBN News

Posted at Apr 01 2020 01:15 AM

Nahukay ang isang lumang bomba sa bakuran ng bahay ng isang residente sa Sitio Bacolod, Barangay Devera, Sara, Iloilo nitong Martes ng umaga.

Sa imbestigasyon ng Sara Municipal Police Station, naghuhukay ng tangke ng banyo ang residenteng si Antonio Baring nang kanyang mahukay ang bomba.

Agad na rumesponde ang Regional Explosive Ordnance Disposal (EOD) and Canine Unit 6 at doon napag-alaman na isa itong 70 millimeter projectile na ginamit noong World War II.

“May nakausap kami doon na resident na nagkaka-edad ng 85 years old, naikwento na nga niya na ang lugar diyan before talagang kinukutahan din ng Hapon,” ani Police Capt. Hurdan Bacalangco, chief ng Regional EOD and Canine Unit ng Police Regional Office 6.

Nasa kustodiya na ng awtoridad ang nasabing pampasabog at ididispose kasabay ng 2 pang ordnance na kanilang narekober nitong linggo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.