VIRAL: Pagmumura, pagbabanta ng traffic enforcer sa motorcycle rider

ABS-CBN News

Posted at Apr 01 2019 08:11 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Umani ng libong shares sa social media ang video ng isang traffic enforcer na kumuha ng susi ng motorsiklo ng isang rider at pinagbantaan pa ang buhay nito.

Kuha ang nasabing video ng rider na si Danniel Cartaño sa kanto ng Kaingin Road at Multinational Avenue sa Parañaque City noong Marso 29. 

Mapapanood sa video ni Cartaño ang pagkuha ng enforcer na kinilalang si Vicente Bufete sa susi ng kaniyang motorsiklo. Hinila rin ng enforcer ang motorsiklo habang nagkakasagutan sila ni Cartaño.

Maririnig din sa video na minura at pinagbantaan ng enforcer ang rider na papatayin ito. 

Ayon kay Bufete, nagalit siya dahil nang pinahinto niya ang mga sasakyan, nagpumilit ang rider na lumusot pakanan at lumampas na rin ito sa linya.

"Nagsalita siya ng ano, 'Pasisikatin kita' sabay takbo siya. Inagaw ko sa kanya yung susi, pinatay ko 'yong motor," ani Bufete.

"Hindi talaga ako lulusot, sa gilid lang po talaga ako para ako 'yong mauna pag nag-go na kami," ani Cartaño.

Umaksiyon naman ang hepe ng Parañaque Traffic and Parking Management Office.

"Ginawan ko na ng memorandum addressed to traffic enforcer Bufete giving him the chance to explain," ani Parañaque Traffic and Parking Management Office chieftain Teddy Barandino.

Ayon pa kay Barandino, hindi nila kukunsintihin ang inasta ng enforcer pero ipinayo niya sa mga motorista na sumunod sa mga batas trapiko. 

Desidido naman si Cartaño na kasuhan ang enforcer dahil sa pagbabanta nito sa kaniya. --Ulat ni Kori Quintos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.