'Negros Oriental police ops na ikinasawi ng 14 magsasaka lehitimo'

ABS-CBN News

Posted at Apr 01 2019 08:15 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Iginiit ng Malacañang at Philippine National Police (PNP) na lehitimong operasyon ang anti-criminality campaign na isinagawa ng mga pulis sa Negros Oriental na ikinasawi ng 14 na tao.

Sabay-sabay na nagsagawa ng pagsalakay ang mga pulis sa Negros Oriental sa Canlaon City at mga bayan ng Manjuyod at Santa Catalina para sa 36 target ng kanilang anti-criminality drive. Karamihan sa 14 na napatay ay mayroon umanong kasong illegal possession of firearms.

Itinanggi ni PNP chief Police Gen. Oscar Albayalde na masaker ang nangyari.

"Itong mga operation na 'to ay all covered by search warrants," ani Albaylde.

"Hindi po ito nangyari sa iisang lugar so hindi totoong ito ay masaker," dagdag ng hepe.

Sinagot din ng Palasyo ang paratang na tinarget umano ng gobyerno ang mga sumusuporta sa komunista.

"The fact remains that the people subject of the search warrants have been identified as suspects in certain ambushes, assassination attempts," ani Presidential Spokesperson Salvador Panelo.

"So it's police operation backed up by documents," dagdag ni Panelo.

Sugatan naman ang isang pulis sa operasyon habang 16 iba pa ang nahuli na nakuhanan ng baril at granada.

Sa panayam sa rights workers at mga kaanak ng mga nasawi at naaresto, inihalintulad nila ang mga pagpatay sa Negros Oriental sa mga eksena sa pagtugis sa mga drug suspect sa Metro Manila.

Nagkasa na rin ng imbestigasyon ang Commission on Human Rights sa insidente.

--Ulat nina Nico Delfin at Raffy Santos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.