Mga motorista nalito sa pagsara ng bahagi ng Magallanes Interchange

ABS-CBN News

Posted at Apr 01 2019 07:44 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Ikinalito ng ilang motorista ang pagsara ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa bahagi ng Magallanes Interchange nitong umaga ng Lunes.

Isinara ang bahagi ng Magallanes Interchange mula Maynila papuntang EDSA northbound sa Cubao, Quezon City dahil madalas magkaroon ng banggaan doon, ayon sa MMDA.

Pero sa kabila ng pagkaway ng mga MMDA enforcer sa mga motorista para ituro ang isinarang kalsada, nalito pa rin ang mga motorista.

Idinaing din ng mga motorista na mapapalayo ang kanilang biyahe sa pagsara.

"Lalayo po kami... ang laking kawalan sa kita namin 'yon," anang taxi driver na si Noel Pagulong.

"Nalito ako, akala ko kasi may daan kanina," anang motorcycle rider na si Justin Absolig.

Noong 2018, umabot sa higit 290 ang naitalang banggaan sa lugar habang 360 naman noong 2017.

ALTERNATIBONG RUTA

Mula Maynila, maaaring kumaliwa ang mga motorista papuntang Buendia para makarating sa EDSA.

Maaari rin mag-U-turn at dumaan sa Yulo Plaza, kumanan sa Pasong Tamo at mag-U-turn sa ilalim ng Magallanes Interchange.

Maaari ring dumeretso sa Magallanes Interchange, dumaan sa Sales Bridge, at mag-U-turn pabalik sa Magallanes papuntang EDSA.

Sa mga manggagaling sa Makati at gustong mag-U-turn ay maaaring dumaan sa U-turn sa ilalim ng Magallanes Interchange.

May mas maikli sanang alternatibong ruta sa Magallanes Village pero hindi ito agad nai-coordinate sa mga tauhan ng Barangay Magallanes.

Nang huling buksan umano ng Magallanes Village ang kalsada nila sa publiko, nasira ito.

Nakiusap ang mga tagaroon na kung bubuksan muli ang kalsada, mga "light vehicle" o kotse lang ang makakadaan.

Bubuksan daw nila ang kalsada simula gabi ng Lunes hanggang nakasara ang Magallanes Interchange papuntang Cubao.

--Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.