PatrolPH

Mahigit 100 pamilya, lumikas dahil sa bakbakan ng militar, NPA sa Negros Occidental

Nico Delfin, ABS-CBN News

Posted at Apr 01 2019 11:14 PM

Lumikas ang mahigit 100 pamilya matapos maipit sa bakbakan ng mga miyembro ng 62nd Infantry Battalion ng Philippine Army at rebeldeng New People's Army (NPA) sa Barangay Quentin Remo sa bayan ng Moises Padilla, Negros Occidental Lunes ng umaga.

Ayon sa mga residente, ayaw nilang madamay ang kanilang pamilya kaya minabuti nilang umalis at sa kabilang bayan na muna manunuluyan.

Itinigil din ng mga guro ang graduation ceremony sa Coyaoyao Elementary School sa karatig barangay ng Inolingan nang marinig nila ang mga putukan sa kalagitnaan ng seremonya.

Dahil sa takot, agad naman sumama sa rescue operation ng Local Disaster Risk Reduction Management Council ang mga pamilyang dumalo sa seremonya.

Agad ring dinala sa municipal auditorium ang mga guro at estudyante, kasama na ang mga pamilyang nagsilikas mula sa tatlong barangay na apektado ng bakbakan.

Ayon sa Moises Padilla Police, nangyari ang sagupaan ng maabutan ng mga sundalo ang tinutugis na mahigit limampung miyembro ng NPA sa lugar.

Naniniwala sila na ang grupo ng mga rebelde ang responsable sa pagpaslang sa re-electionist councilor na si Jolomar Hilario sa Barangay Inolingan nitong Linggo ng umaga.

Hindi pa matukoy ng pulisya kung may nasugatan o namatay sa engkwentro sa hanay ng rebelde. Isang sundalo ang sugatan.

Samantala, nakuha ng mga militar mula sa lugar ang ilang "war material" at tatlong improvised explosive devices (IEDs).

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.