PatrolPH

Kahon-kahong imported luncheon meat, sinunog ng DA sa Cagayan de Oro

Rod Bolivar, ABS-CBN News

Posted at Apr 01 2019 05:58 PM

Kahon-kahong imported luncheon meat, sinunog ng DA sa Cagayan de Oro 1

CAGAYAN DE ORO CITY— Sinunog ng Veterinary Quarantine Office ng Department of Agriculture (DA) at Food and Drugs Administration (FDA) nitong Lunes ang 150 kahon ng imported luncheon meat na kanilang nasabat noong Pebrero.

Dumaong sa Cagayan de Oro City noong Pebrero 27 ang barkong naglalaman ng mga kahon ng luncheon meat.

Nabahala ang DA na baka kontaminado ang mga ito ng virus na sanhi sa sakit na African swine fever.

Oktubre noong nakaraang taon, naglabas ng advisory ang DA na ipagbabawal ang pagpasok sa Pilipinas ng anumang produktong baboy mula Belgium, China, Hungary, Latvia, Poland, Romania, Russia, Ukraine, Bulgaria, Czech Republic, Moldova, South Africa, at Zambia.

Base sa mga nakasulat sa kahon, ginawa ang mga produkto sa China sa mga buwan na sakop ng ban period.

“Actually, the product came from Cebu. So this is local transport or domestic transport. Regular routine namin na we have to inspect all products that came from the vessels. Nakita na these products are manufactured in China. So we looked at their documents, nagkataon na they do not have shipping permits from Cebu,” paliwanag ni Dr. Leo Mira, regional director ng Veterinary Quarantine Region 10.

Tinatayang nagkakahalaga sa higit P600,000 ang nakumpiskang luncheon meat.

Ayon sa FDA, pananagutin nila ang kumpanyang nagpadala ng shipment sa Cagayan de Oro.

“May initial investigation na ang FDA Cebu at lumalabas na hindi lisensyado sa FDA ang shipper ng produkto,” ani Antonette Melgo, Food and Drugs Regulatory Office ng FDA Region 10.

Ayon sa FDA, hindi nakakaapekto sa tao ang African swine fever virus pero maaaring maging carrier ng sakit ang mga tao na nakakahawa sa mga baboy.

Wala pang vaccine laban sa African swine fever.

Hanggang ngayon, negatibo pa sa African swine fever ang bansa.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.